KAGAWAD TUMBA SA DRUG SHOOTOUT

shootout

LANAO DEL SUR – BULAGTA ang sinasabing drug courier na barangay kagawad makaraang kumasa sa inilatag na anti-drug operation ng awtoridad sa bahagi ng Muslim Village sa bayan ng Wao sa lalawigang ito kamakalawa ng madaling araw.

Base sa ulat ni PDEA Director Juvenal Azurin, kumasa at tinangkang makipagbarilan ng suspek na si kagawad  Larry Masid sa mga operatiba ng PDEA-BARMM, Wao Police Station at sa tropa ng 34th Infantry Battalion ng Philippine Army, bandang alas-4 ng madaling araw.

Napag-alamang isinailalim sa buy-bust operation ang suspek subalit nakatunog ito na operatiba ng PDEA-BARMM at ng PNP ang kanyang katransaksiyon kaya bumunot ito ng baril at nakipagbarilan dahil dito walang nagawa ang awtoridad kundi paputukan si Masid.

Narekober sa suspek ang tatlong pakete ng shabu na 15 gramo na nagkakahalaga ng P100,000 kung saan nasamsam din ang cal. 45 pistol at cal. 30 revolver na kargado ng mga bala.

Ayon sa PDEA, matagal na umanong target si kagawad Masid na dati ng nahuli sa kasong drug trade subalit pinawalangsala ng hukuman sa kakulangan ng ebidensya. MHAR BASCO