KAGAWAD TUMBA, TANOD SUGATAN SA PAMAMARIL

QUEZON- PATAY sa pamamaril ng riding in tandem ang isang kagawad ng barangay samantalang malubha namang nasugatan ang isang tanod habang nagsasagawa ng clean and green program kasama ng iba pang volunteers sa Barangay Masalucut 3, Candelaria sa lalawigang ito kamakalawa ng umaga.

Ayon sa pulisya, kinilala ang biktima na si Mario Mendoza, 35-anyos at residente ng naturang lugar.
Isang tama ng bala mula sa kalibre .45 ang tumama sa dibdib ng biktima na siya nitong agad na ikinamatay.

Nadamay naman sa pamamaril ang tanod na si Danilo Evangelista na tinamaan sa kanan paa nang muling magpapaputok ang mga salarin.

Sa masusing imbestigasyon na isinagawa ng tanggapan ni Lt Col. Arnulfo Selencio, chief of police ng Candelaria, isang itim na motorsiklo nakasakay ang dalawang suspek na mabilis na dumaan sa grupo ng biktima habang abalang naglilinis ng kalsada.

Makaraan ang ilang minuto bumalik ang riding in tandem at pagtapat sa biktima ay agad na binaril ito ng malapitan at nagpaputok pa ulit ang mga salarin kung saan tinamaan sa paa ni Evangelista.

Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksiyon ng Sariaya, Quezon.

Ayon kay Selencio na posiblengl isyu ng sugal sa sabong ang motibo sa pamamaril dahil wala umanong kaaway at anumang masamang gawain ang biktima sa kanilang barangay. ARMAN CAMBE