KAGAWARAN NG TESDA, KRITIKAL SA  PAGPAPANUMBALIK NG NALUSAW NA MGA TRABAHO

Albay Rep Joey Sarte Salceda

NAKAHAIN ngayon sa Kamara ang isang panukalang batas na naglalayong gawing ganap na departamento o kagawaran ang  Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na itinuturing na kritikal sa pagpapanumbalik ng mga trabahong nawala at makabangon pagkatapos ng pandemya, lalo na at tuloy na paglipat sa ‘digital’ ng ekonomiya at mga pamamaraan.

Ang panukalang batas, House Bill No. 4417, ay inakda ni Albay 2nd district Rep. Joey Sarte Salceda,  chairman ng House Ways and Means Committee at co-chair ng House Economic Recovery Cluster. Suportado agad ang HB No. 4417 ng Committee on Government Reorganization at Committee on Higher & Technical Education ng Kamara.

Sa harap ng Kamara, ganito ang paliwanag ni Salceda: “Masusi ko itong pinag-aralan, pati na ang mga kasaysayan, pamantayan at balangkas ng pambansang pagsulong. Malinaw kong nakita na sa yaman ng isang bansa, walang kapalit ang kagalingan at kahusayan ng mga mamamayan nito. Kung aasenso ang kahusayan ng mga manggagawa, aasenso at magiging mayaman din ang kanilang bansa.”

Ayon kay Salceda, maraming bansang sagana sa likas na yaman and nananatiling mahirap, samantalang may ilan namang salat sa likas na yaman ngunit matagumpay at mayayaman, gaya ng Singapore at Netherlands, na umaasa lamang sa kagalingan at kahusayan ng mga mamamayan nila.

Pinuna ni Salceda na 2.5% lamang ng taunang badyet sa edukasyon ang napupunta sa TESDA na sa totoo lang ay “pinakamalaki ang balik na pakinabang” sa mga sinanay nito at sa bansa, ngunit sa kabila nito, maraming mga hamon ang kinakaharap ng ahensiya upang makaagapay sa mga pagbabago tungo sa “Fourth Industrial Revolution.”

“Hindi natin kailangan ang mga diploma. Higit nating kailangan ang kahusayan at kagalingan ng mga manggagawa. Nakaka-lungkot na napakalaki ng ginagasta natin sa pagpapa-gradweyt sa mga kabataang salat naman sa kagalingan at kahusayang teknikal,” dagdag niya.

Sinabi ni Salceda na pangarap niya ang isang TESDA department na hindi lamang karagdagang pagsasanay o ‘certification program’ ang pagtutuunan ng pansin, kundi bilang isang “full career-planning and development agency” gaya ng “Workforce Singapore (WSG)” ng  Singapore. Isa itong modelong ahensiya na nagsasanay sa mga manggagawa ng bansa sa paraang malinaw at naaayon sa kailangan ng industriya at bansa. Panghabang buhay na kahusayan ang dulot nito.

“Pagod at sawa na ako sa ‘continuing professional development’ programs” na pang-display lamang, gaya ng sa atin na tila batay sa ‘diploma-mill curriculm’ lamang na nagiging raket tuloy at sumisiil sa ating ‘economic resources and productivity.’ Ang kailangan natin ay tunay na paghasa sa kahusayan, kaya nais kong mabigyan ng higit na suporta at pondo ang TESDA,” madiin niyang pahayag.

Ayon sa mambabatas, ang panukala niyang Kagawaran ng TESDA ay magpapalakas at magpapatibay rito upang mabisang makatulong sa pagpapanumbalik sa mga nalusaw na trabaho at aakit ng maraming mamumuhunan sa bansa, lalo na at nilusaw ng Covid-19 ang trabaho ng mga 3-8 milyong manggagawang Filipino.

“Masusi nating pag-aralan ang ating mga estratehiya sa pag-unlad at para sa ating mga manggagawa. Masusi rin ginagawang pag-aaral ng ating mga kalapit bansa kaugnay nito. Kung hindi natin ito gagawin, mapa-iiwanan tayo tiyak,” dagdag ng kongresista.

Comments are closed.