KAGAWARAN PARA SA OFWs LUSOT NA SA HOUSE COMMITTEE

Joey Sarte Salceda

APRUBADO na sa joint hearing ng House Committee on Government Reorganization at House Committee on Overseas Workers Affairs ang substitute bill para sa paglikha ng departamento para sa overseas Filipino workers.

Tatawagin ang ahensiya na Department of Filipino Overseas and Foreign Employment (DFOFE) dahil hindi lamang ito para sa OFWs, kundi sa lahat ng Filipinong nasa ibang bansa.

Ipinaliwanag ni TWG head Albay Rep. Joey Salceda na apat ang magiging sakop ng kagawaran, kabilang ang OFWs na nasa abroad, OFWs na nakabalik na sa Filipinas, pamilya ng mga OFW at lahat ng Filipinong nasa ibang bansa.

Binanggit ng kongresista na base sa datos, 54% ng lahat ng Filipinong nasa abroad ay migrants, habang 37% lamang ang temporary workers o iyong kilala bilang OFWs at 7% naman ang undocumented.

Ang kasalukuyang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang magiging central body ng departamento dahil mayroon na itong expertise at mga tao habang magiging attached agencies naman ang Commission on Filipino Overseas at ang Overseas Workers Welfare Administration. CONDE BATAC

Comments are closed.