PINASALAMATAN ng isang Chinese businessman ang Department of Justice (DOJ) na umano’y isang kidnap-for-ransom (KFR) victim, matapos tanggihan ang pagbasura sa kanyang reklamo laban sa kanyang dating business partner at rekomendasyon na dapat pa ring litisin sa korte ang akusado.
Sa maikling pahayag, sinabi ni Lin Xiaoqing, aka, ‘Eric Lim,’ na bagaman hindi pumabor ang DOJ sa kanyang bintang na kidnapping for ransom at serious illegal detention laban sa kanyang dating business partner na si Richard Lim, napatunayan ng DOJ na hindi “kuwentong barbero” o “gawa-gawa” lang ang kanyang salaysay laban sa akusado.
“While I am not fully satisfied with the resolution, I also find it as a vindication to me and my family honor as it substantially proved that everything I narrated of my experience in the hands of Richard Lim and his men are not mere hearsay but rings of truth,” ani Eric.
Sa isang resolusyon na may petsang Pebrero 27, 2024 na pirmado ni Prosecutor General Benedicto Malcontento subalit ang kopya ay kailan lang nailabas sa publiko, tinanggihan ng DOJ na ibasura ang reklamo laban kay Lim.
Ayon pa sa DOJ, bagaman kulang ang mga elemento ng KFR na inilatag ni Lin, dapat pa ring litisin si Lim dahil may sapat na pruweba (probable cause) upang litisin siya sa kasong grave coercion.
“(Even) if we find that respondent Lim may not be held liable for kidnapping, it is shown from the allegations in the complaint and supporting evidence that respondent Lim should be held liable for another crime,” ayon sa bahagi ng resolusyon ng DOJ.
Ang resolusyon ay batay sa rekomendasyon nina Senior State Prosecutor Richard Anthony Fadullon at Assistant State Prosecutor Michael John Humarang na siyang humimay sa reklamo.
Si Lim, may-ari ng Xionwei Technology, isang online gaming company (POGO), ay dating kasosyo ni Lin gamit naman ang kanyang sariling kompanya na Big Emperor Technology.
Pormal na naghain si Lin ng reklamo sa DOJ noong Hulyo 27, 2023, halos isang taon matapos umano siyang dukutin ng mga armadong kalalakihan habang nasa bakasyon sa isang beach resort sa Batangas noong Agosto 19, 2022.
Aniya pa, “pinalaya” lang siya noong Setyembre 14, 2022, matapos umanong magbayad ng P100-milyon ‘ransom’ at ibigay ang kontrol sa Big Emperor Technology.
Sa kanya namang counter-affidavit noong Nobyembre 7, 2023, itinanggi ni Lim ang lahat ng bintang laban sa kanya.
Hiniling din nito sa DOJ ang agarang pagbasura sa reklamo.
Aniya pa, hindi totoong nakidnap si Lin at bagkus ay inaresto ng CIDG dahil sa kasong qualified theft sa korte sa Pasay City at ikinulong sa istasyon ng CIDG sa Taguig City.
Ayon naman kay Lin, kahit ang kasong qualified theft na dahilan upang arestuhin siya ng CIDG ay maniobra rin.
Bilang patunay, isinumite ni Lin sa DOJ ang sworn testimony ng kanyang kapatid na si Lin Xiao Feng at 3 iba pang indibidwal na umano’y nangalap at nagdala ng ransom money sa akusado.
Sa resolusyon naman ng DOJ, hindi kinatigan ang hiling ni Lim na mabasura ang reklamo laban sa kanya kasabay ng rekomendasyon na kasuhan siya ng grave coercion.
Kasalukuyang nakalalaya si Lim matapos magpiyansa ng P36,000.00 noong Abril 15, 2024.
Maghaharap ang mangkatunggali sa Branch 115 ng Taguig Metropolitan Trial Court sa Hunyo 3, 2024.