(Kaguluhan muling sumiklab) PINOY PINAG-INGAT SA HONG KONG

Hong kong

MULI na namang sumiklab ang kaguluhan sa ilang bahagi ng Hong Kong  kaya  pinayuhan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga Pinoy workers  sa lugar  na umiwas muna sa mga lugar na mayroong kilos-protesta.

Sa advisory  na inilabas para sa mga Pinoy sa lugar, inabisuhang  manatiling nakaalerto ang mga ito  at huwag makihalo lalo na sa mga political activities sa lugar.

Mismong si Labor Secretary Silvestre Bello III ang nakatanggap ng ulat kaugnay sa mga planong paglusob ng mga raliyista sa ilang lugar sa nasabing Chinese territory.

Pinapayuhan rin ang mga Pinoy   na  umiwas sa pagsusuot ng mga puti at itim na mga damit na karaniwang ginagamit ng mga raliyista.

Sa abiso ng  Philippine Consulate General sa Hong Kong, kasado na ang mga aktibidad sa ilang mga lugar na Tsim Sha Tsui Police Station (October 10);

New Town Plaza Shatin (October 12); Victoria Park and Edinburgh Place (October 13); Edinburgh Place and Chater Garden (October 14); Resumption of Legislative Council (October 16); The Riverpark Tai Wai to Shatin (October 20); Yuen Long MTR Station (October 21); Tamar Park Admiralty (October 26); at  Prince Edward MTR Station (October 31).

Ayon sa DOLE, umaabot sa 150,000 ang mga manggagawang Pinoy  na nasa Hong Kong.

Sa pagsiklab muli ng  gulo sa ilang bahagi ng Hong Kong  ay  naapektuhan pati ang rail system sa lugar.

Matatandaang  nilusob din ng mga raliyista at pansamantalang pinaralisa ang airport. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.