KAHALAGAHAN NG ALTERNATIVE ENERGY SOURCE DAPAT PAGTUUNAN NG PANSIN NG GOBYERNO

NITONG Marso, nagbabala ang Meralco sa publiko na ang patuloy na pagsirit ng presyo ng krudo sa iba’t ibang panig ng mundo ay maaaring mauwi sa pagtaas din ng generation charge.

Katunayan, sa kasalukuyang buwan, nag-anunsiyo na ang Meralco na magtataas na sila per kilowatt-hour na ikinabahala ng publiko, lalo na ng mga kababayan nating pinagkakasya lamang ang maliit na budget ng pamilya sa kanilang mga gastusin tulad ng koryente at tubig.

Dahil dito, mas lumakas ang mga panawagan sa gobyerno na kung maaari ay makahanap na ng alternatibong energy source tulad ng renewables.

Mababatid na noong 2008, sa ilalim ng liderato ni dating Pangulong Gloria Arroyo, isinabatas ang Republic Act 9513 o ang Renewable Energy Act na ang pangunahing layunin ay mapabilis ang development ng ating renewable energy sources, at mabawasan ang pagdepende natin sa fossil fuels. Ang problema, kahit naisabatas na ito, lalo lang tayong kumiling sa paggamit ng ibang energy sources tulad ng coal.

Sa katunayan, sabi nga ng DOE noong 2021, sumadsad ang power generation composition ng bansa ng hanggang 21% mula sa dating 34%.

At dahil dito, target ngayon ng mga bumuo sa National Renewable Energy Program o NREP 2020-2040 na mapataas ang renewable energy share ng bansa ng hanggang 35% percent pagsapit ng taong 2030 at 50% pagsapit ng taong 2040. Ito ang kailangang-kailangan natin sa ngayon dahil nga sa pabago-bagong presyo ng langis.

Isa rin sa mga nakapaloob sa NREP mission ang mapataas ang geothermal capacity ng bansa ng hanggang 75% habang mapataas naman hanggang 160% ang ating hydropower capacity, gayundin ang capacities of biomass, wind and solar power. At isali na ri natin dito ang planong  pagkakaroon ng kauna-unahang ocean energy facility dito sa bansa.  Kung magagawa natin ang mga bagay na ito,  tiyak na magbibigay ito sa atin ng dagdag na 9,800 megawatts  sa 2030 o kabuuang 15,000 megawatts.

Bakit nga ba hindi tayo mag-focus sa paggamit ng alternatibong energy source, samantalang napakarami ng bansa sa iba’t ibang panig ng mundo ang ganito na ang sistema? Ultimong mga bansang mayaman sa langis, ganito na rin ang ginagawa.  Ipaghalimbawa na lang natin ang Saudi Arabia. Noong 2021, nagpasiya silang by 2030,  50% ng kanilang natural gas na ginagamit sa electricity production ay ihahalo na sa renewable energy sources.

Ang United Arab Emirates, nagpahayag din noong nakaraang taon na plano nilang mamuhunan nang malaki sa renewable energy. Ito ay dahil target nila ang net-zero emissions sa taong 2050. Ganito kahalaga ang renewables, kaya sabi nga ng Oxford Business Group, mas dumarami pa ang mga bansa sa globa na desididong i-develop ang kanilang renewable energy resources.

Kaugnay nito, nagpahayag naman si Energy Secretary Alfonso Cusi sa planong pag-develop ng gobyerno sa nuclear energy. Ipinag-utos na rin ni Pangulong Duterte ang pagtatatag ng isang inter-agency committee na susuri sa posibilidad na magkaroon ng power mix, at ang planong pagbuhay ssa Bataan Nuclear Power Plant. Itinayo po ang plantang yan noon pang 1984, pero hindi man lang nagamit kahit sandali.

Dalawang buwan na lang, matatapos na ang termino ni Pangulong Duterte. Sana nga, sino man ang papalit sa kanyang posisyon, tiyakin ang seguridad ng ating elektrisidad at ituloy ang mga maaayos at kapaki-pakinabang na programa at proyekto na kanyang napasimulan.