KAHALAGAHAN NG DE KALIDAD NA EDUKASYON BINIGYANG DIIN

SEN-BAM-AQUINO

NANINIWALA si Senador Bam Aquino na ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon sa bawat Filipino at binigyang diin ang mahalagang papel ng mga guro ang siyang susi sa pag-unlad ng bansa.

“Kaya ipinaglaban at itinulak namin ang libreng edukasyon sa state universities and colleges (SUCs) at dagdag scholarship sa mga private university dahil naniniwala kami na napakahalaga ng edukasyon,” ani Aquino sa kanyang talumpati sa Carl Balita Review Center Ultimate Finale Coaching sa Philippine Arena  sa Bocaue, Bulacan.

Tinukoy nito na mahalaga ang “Education for all” na siyang armas sa pagpapaunlad ng bayan, na siyang nakapaloob sa Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Binigyang diin nito ang papel ng mga guro sa lalo pang pagpapaganda ng kalidad ng edukasyon sa Filipinas at sa pag-unlad ng bansa.

“Bilang senador, nakita namin na ang pinakamahalagang aspeto ng edukasyon ay ang ating mga guro. Batay sa pag-aaral, ang antas ng edukasyon sa isang bayan ay nakasalalay kung gaano kagaling at kasaya ang mga guro,” ani Aquino.

Mabibigyan din ng scholarship grants ang mga estudyante ng pampubliko at pribadong kolehiyo at unibersidad na isa pang benepisyo ay ang loan program, kung saan maaaring mangutang ang mga estudyante para sa ibang gastusin sa pag-aaral.

Kamakailan, pinaalalahanan ng senador ang SUCs na ilegal na ang pangongolekta ng mandatory at miscellaneous fees mula sa mga estudyante sa ilalim ng RA 10931. VICKY CERVALES