KAHALAGAHAN NG MAKABAGONG TEKNOLOHIYA SA PANAHON NG PANDEMYA

WALANG hindi apektado ngayon ng pandemya.

Buong mundo ay tinamaan ng krisis na dulot nito.

Kaya naging lalong napakahalaga at makabuluhan sa buhay natin ang teknolohiya.

Nakabibilib na talagang hindi napuputol ang mga sistema ng komunikasyon.

Kung hindi dahil sa internet, social media, computer, mobile phone, at iba pang gadgets ay baka nawalan na ng saysay ang buhay ng mayorya ng sangkatauhan.

Ang mahalaga ngayon, nakakapag-aral pa rin ang mga estudyante.

Tuloy-tuloy ang trabaho at hindi nauudlot.

May mga nagpapatupad pa rin ng work-from-home habang may mga pumapasok na rin naman nang pisikal.

Kahit mayroong limitasyon, tuloy lang ang buhay.

Kailangang yakapin ang katotohang nasa bagong normal na tayo.

Ginagawa pa rin nang online ang mga komperensiya, seminar, pulong, palakasan, at iba pang mga okasyon.

Pati ang mga beauty contest at sports competition, tuloy pa rin.

Hindi maaaring pigilan ang mga katulad na event.

Ang nakatutuwa, patuloy ang ugnayan ng buong daigdig.

Kung wala ang makabagong teknolohiya, wala rin tayong lahat at malamang ay marami nang nabuwang o nasiraan ng ulo dulot ng anxiety at iba pang kadahilanan.

Karamihan sa mga lugar ngayon sa bansa, nasa Alert Level 1.

Walang humpay ang mga transaksiyon sa mga opisina ng gobyerno at sa mga pribadong tanggapan.

Kahit maraming nakadapang negosyo, may mga sumisibol pa ring mga oportunidad.

Hindi titigil ang mga manggagawa para mabuhay ang kanilang pamilya.

Para makaiwas sa COVID-19 na hanggang ngayon ay hindi pa rin ganap na napupuksa, nauuso naman ang digital payments at paggamit ng e-money sa pagbili ng pagkain at pagbabayad sa serbisyo o bills.

Kaya ilang linggo bago matapos ang kanyang termino, sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 170 ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng departamento at ahensiya ng gobyerno ang paggamit ng digital payment services.

Nakasaad sa kautusan na nakita ang mga benepisyo ng digital services sa iba’t ibang sektor sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Lahat ng departmento, ahensiya at instrumentalities ng gobyerno, siyempre, kabilang ang mga state universities at colleges, government-owned-or-controlled corporations, at maging ang mga local government units (LGUs) ay inatasang gumamit ng digital payments para sa kanilang disbursements at collections.

Napapanahon talaga ito dahil ang sistemang ito ay napakabilis, convenient, secure at transparent.

Binanggit sa EO na dapat ipatupad ang ligtas at maayos na digital disbursement sa pagbabayad ng goods, services, at iba pa, kasama ang pamamahagi ng ayuda, suweldo, allowances, at iba pang bayarin sa mga kawani o opisyal.

Si Sen. Bong Go daw pala ang nagmungkahi kay Pangulong Duterte para isulong ang digital services na magpapabilis sa digital transformation sa pamamagitan nang pag-alis ng mga pagkaantala at iba pang isyu na kaakibat ng tradisyunal na pamamahala sa komunikasyon at pagbabahagi ng impormasyon.

Well, sa tingin ko, masuwerte pa rin talaga tayo ngayon na nasa makabagong teknolohiya na tayo.

Isipin n’yo na lang po kung gaano kalungkot ang mga posibleng naging senaryo sa iba’t ibang panig ng mundo noong mga antigong panahon na nagkaroon din ng kahalintulad na pandemya gaya noong 13th, 16th, 17th, 18th 19th at 20th century o kahit sa mga mas naunang panahon pa rito.

Wala pang internet, social media platform, personal computer, mobile phone, tablet, at iba pang makabagong teknolohiya noong mga panahong iyon na nakikita at napapakinabangan natin sa kasaluku­yan.