KAHALAGAHAN NG PAGHAHANDA SA BAGYO IDINIIN

Senadora Grace Poe-5

BINIGYANG diin muli ni Sen. Grace Poe ang importansiya ng ibayong kahandaan ng pamahalaan sa harap ng mga bagyo at iba pang sakuna na bumabayo sa bansa taon-taon.

“Kailangan nating kumilos agad at mamuhunan para sa mga programang makatutulong sa atin sa pag-iwas sa mga sakuna at panganib na dulot ng mga kalamidad, gayundin sa pagharap natin sa mga pagbabagong dulot ng climate change,” ani Poe.

Nauna nang naghain si Poe ng Senate Bill No. 124 o ang panukalang “Philippine Disaster Risk Reduction and Management System Act” na naglalayong bumuo ng disaster risk reduction department at maglaan ng hindi bababa sa tatlong porsiyento ng tinatayang kabuuang regular na kita ng gobyerno para sa pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management.

Gayundin, upang kahit paano’y maibsan ang gutom ng mga kababayang sinalanta ng baha, inorganisa ng senador ang kanyang team na mamigay ng mainit na lugaw at mga bote ng tubig sa ilang mga barangay sa Marikina na nalubog dahil sa malakas na ulang dala ng bagyong Ulysses.

Ang mga volunteer ni Poe sa ilalim ng ‘Panday Bayanihan’ ay nagtungo sa Barangay Tumana at nag-organisa ng mga food station upang mamigay ng mainit na lugaw at bote ng tubig.

Nakatakda ring magdala ang Panday Bayanihan ng mga relief pack at mainit na pagkain sa iba pang apektadong komunidad sa bansa sa mga darating na araw. VICKY CERVALES

Comments are closed.