KAHALAGAHAN NG PAGLALAAN NG PANAHON SA PAMILYA

PAMILYA

NAPAKAHALAGA ng paglalaan ng panahon ng bawat isa sa kani-kanilang pamilya. Batid naman nating palaging busy o abala ang bawat miyembro ng pamilya kaya’t kung minsan ay wala na silang panahon para makapagkuwentuhan o makapag-bonding.

Pero napakahalaga ng paglalaan ng panahon sa pamilya kahit na paminsan-minsan lang dahil nakatutulong ito upang lalo pang mapalapit ang loob ng isa’t isa. Paraan din ito upang mawala ang tampuhan o samaan ng loob ng magkakapamilya.

Higit sa lahat, maganda ang pagkakaroon ng family moment para malaman natin ang nangyayari sa mga mahal natin sa buhay—kung may pinagdaraanan ba silang problema sa trabaho o sa karelasyon at kung ano-ano pa.

Lahat nga naman tayo ay nag-aasam na makapaglaan ng panahon sa mga mahal natin sa buhay. At para maging masaya ang ang family day o family moment, narito ang ilang tips na puwedeng isaalang-alang:

PAGPLANUHAN ANG GAGAWING PAGTITIPON-TIPON

Isa sa makatutulong para maging produktibo at masaya ang isang selebrasyon o pagtitipon-tipon ng magkakapamilya kung napagpaplanuhan itong mabuti. Maganda ang paggawa ng itinerary o listahan ng mga gaga­wing activity.

Sa isang aktibidad na pampamilya, mahalaga ring mapag-usapan ito upang maikonsidera ang nais gawin o interes ng bawat miyembro.

KAHIT SA BAHAY LANG, MAKAPAGSASAYA NA

Para makapagsaya o makapag-enjoy, hindi naman kailangan ang pagtungo sa ibang bansa o malalayong lugar.

Hindi rin naman kailangang magarbo o bongga ang family bonding. Puwede kayong magtungo sa isang lugar na malapit lang. Kahit nga sa bahay lang ay makapagba-bonding na kayo.

Ang pagkakaroon ng isa hanggang tatlong oras para sa pamilya ay epektibong makapagpapatibay sa relasyon ng mag-anak.

IAYON SA KASALUKUYANG NANGYAYARI

Maganda rin kung iaayon sa kasalukuyang pangyayari o nagaganap ang gagawing pagtitipon-tipon ng pamilya. Kung maaraw at maganda ang panahon, magandang magplano ng outdoor bonding.

Ilan sa mga puwedeng gawin o outdoor bonding ay ang fun run, picnic, swimming sa isang malapit na pool, mamasyal sa mga parke, bumisita ng mga museyo at iba pa.

Samantalang kung maulan naman, maaaring sa loob na lang ng bahay. O kaya naman sa mall. Maganda rin ang pagtu­ngo sa mga museum, panonood ng sine o kahit na ang paglalaro ng board games sa tahanan kung walang gaanong budget.

PAGIGING HANDA

Preparasyon ang susi sa isang matagumpay na aktibidad o pagtitipon-tipon ng bawat mi­yembro ng pamilya. Siguruhing may mga nakahandang gamit naa­ayon man o hindi ang mga pangyayari. Maganda rin ang pag-iisip ng mga lulutuin sa nasabing okasyon nang may mapagsaluhan ang pamilya.

I-ENJOY ANG MOMENT

Pinakamahalaga ay ang ma-enjoy ang moment. Iwanan muna ang mga trabaho o kung anumang makaaabala sa pagba-bonding ng pamilya.

Kung maaari i-off ang mga device para hindi makasagabal sa bonding ng pamilya.

Walang kasing saya at halaga ang paglalaan ng panahon sa pamilya. Kaya naman, gaano man kaabala ang marami sa atin, maganda pa rin ang paggawa ng paraan upang maka-bonding ang pamilya.

Kahit mga simpleng salo-salo lang o kuwentuhan ay malaki na ang maitutulong para sa pagtibay ng samahan ng bawat miyembro.  CS SALUD