Lumipas na ang panahong panggabing routine lamang ang pagtulog. Kahit bawal magkasakit, nagkakasakit pa rin. Napakarami kasing bagay na nakaka-stress sa buhay natin. Isa pa, tulog yata ang palagi na lamang nating nakakaligtaan. Hindi natin nare-realize, mahalaga po ang tulog para sa ating kalusugan.
Dahil kulang nga tayo sa tulog, naa-appreciate na natin ngayon ang kahalagahan nito. Napakahalaga kasi nito sa muscle development, hindi lamang sa mga bata, kundi higit sa matatandang nagkakasakit o kaya naman ay sa mga naaksidente at nagpapagaling.
Nakararanas ang ating mga muscle fibers ng micro-tears. Natural lamang itong proseso na kailangan ng laman ng tao o hayop para lumaki at lumakas. Sa pamamagitan ng Metabolic stress, nakakaipon ng mga byproducts tulad ng lactic acid. Yung munting sakit ng kalamnan kapag nag-e-exercise, mahalaga yon sa muscles para lumakas.
Alam nyo kasi, nauubos ang enerhiya ng tao araw-araw. Dapat ay mayroon tayong Glycogen reserves para sa future activities ng katawan. At doon na nga pumapasok ang tulog. Habang natutulog kasi tayo, yung mga micro-tears sa muscles ay nare-repair ng kusa. Mas maraming tulog, mas nakaka-relax ang katawan at mas may pagkakataon ang muscles na ma-repair.
Mayroon kasing muscle protein synthesis (MPS) ang katawan ng tao. Sa MPS nagaganap ang magic, kung saan ang nasirang muscles ay ginagawa para mas lumakas kesa dati. Ngunit nakadepende ito sa proper recovery, kung saan nga pumapasok ang pagtulog.
So, pinatay na natin ang ilaw at nawalan na tayo ng komunikasyon sa katotohanan. Dito naglalakbay ang ating katawang lupa para sa restoration and growth. Ganyan kahalaga ang pagtulog.
Habang naghihilik ka sa pagtulog, gumagana ang iyong endocrine system. Nagsasagawa ito ng hormonal symphony na mahalaga sa muscle repair.
Habang natutulog, malayang dumadaloy ang dugo sa mga kalamnan, kaya naibibigay dito ang kinakailangang oxygen at mga nutrients. Nalilikha dito ang optimal environment upang mangyari ang MPS kaya nagkakaroon ng better growth at mabilis na recovery. Ito ang dahilan kaya ang taong sumailalim sa operasyon ay pinatutulog ng ilang oras o ilang araw, depende sa grabidad ng naging sakit. Binibigyan kasi ng pagkakataon ang sugat na gumaling ng kusa.
Kung dati ay binabalewala mo ang tulog, huwag na ngayon. Huwag pera-pera lamang. Mas mahalaga pa rin ang kalusugan.
Ayon sa mga eksperto, kailangan ng isang working adult ang tulog na hindi bababa sa pitong oras ngunit hindi naman sosobra sa 9 na oras. Ang mga tao raw na kulang sa pitong oras ang tulog ay mas prone sa mas maraming health issues. Kaya kung nai-stress ka, just sleep it out.
JAYZL VILLAFANIA NEBRE