GOOD day mga kapasada! Mahalagang paksa ang ating tatalakayin sa isyung ito ng Patnubay ng Drayber.
Sa maraming pagkakataon, nakaligtaan nating talakayin ang paksang ito at inaamin ko po “MEA CULPA”.
Sa puna ng isang kakuwentuhan natin sa isang paradahan o terminal ng pampasadang jeepney sa Lopez, Sucat, isa sa drivers ng association ang tumawag sa akin ng pansin nang banggitin nito na may mahalagang paksang dapat kong talakayin sa ating pitak at ito ay may kinalaman sa malimit na trahedya o aksidente na laging sangkot ang mga pangkargamento o maging mga pampasaherong trak na ang karaniwang dahilan ng damage to property, serious physical injuries, abrasion o kaya ay wala sa panahong kamatayan ng mga pasahero.
Sa totoo lang mga kapasada, maliban sa motorsiklo, ang mga pampasadang bus at mga pangkargamento at kauri nito ang karaniwang paksa ng mga traffic accident saan mang pook sa bansa na ang karaniwang ugat nito ay ang pagkakaroon ng faulty brake o nawalan ng preno ang minamanehong sasakyan.
Kaugnay nito, sa Jeepney association sa Lopez terminal, marami pong salamat sa inilahad ninyong paksa sa pitak na ito.
PRENO NG SASAKYAN, VITAL SA ANUMANG URI NG SASAKYAN
Mga kapasada, mahalaga po ang preno o brake sa anumang uri ng sasakyan, ngunit sa aming pananaliksik, ang preno ng semi truck ay masasabing pinaka-kritikal na uri ng sasakyan kung ang papaksain ay ang kahalagahan ng preno.
Sa pagsisikap na maihanap ng wastong solusyon ang ganitong sitwasyon ng mga sasakyang panghanapbuhay, nabatid ng pitak na ito na kung ang isang drayber ay nagmamaneho ng isang pangkargamentong trak sa isang mahabang freeway tulad ng NLEX o kaya ay ng SLEX, lubhang kailangan ng ating mga kapasada na mabatid kung kailan nila epektibong mapahinto ang sasakyan sa mabilis na panahong kinakailangan lalo na kung may unos ng peligro.
Natuklasan natin sa masinop na pananaliksik na ang ‘di pagkagat ng preno ang karaniwang dahilan ng aksidente na ang involve ay tractor trailers na nagreresulta ng injuries, death and law suit sa kasong homicide thru reckless imprudence sa bahagi ng drayber.
So therefore, ang payo ng mga professional mechanic na ating nakapanayam tulad ni Jess Viloria ng Belisario Subdivision, upang maiwasan ang kahit na anong problema sa minamanehong track ay ang pagbibigay ng atensiyon at proper maintenance sa brakes.
PARTS NG BRAKE O PRENO NA DAPAT ALAGAAN
AYON sa payo ni Jess, may mga bahagi ang preno na kailangang palitan sa pana-panahon (regular basis) upang mapanatili ang pagiging nasa top working condition ng mga ito.
Ang mga palatandaan ang brake shoes built into pad na nagpapahiwatig kung kailan ito dapat palitan at kung papalitan, kasamang dapat palitan ang springs, pins at bushings ng brakes.
Gayundin, kailangang mapalitan ang brake drums, gayundin ang brake shoes upang maiwasan ang pag-iinit na maaaring lumikha ng bitak o crack sa preno.
GRASAHAN ANG SLACK ADJUSTERS
May mahalagang papel na ginagampanan ang slack adjuster sa preno ng sasakyan. Ito ang nagpapanatili sa wastong alignment ng preno sa panahong ito ay ginagamit.
Ang mga trak ay maaaring nagtataglay ng manual o kaya ay automatic slack adjuster na kapwa kailangang magrasahan upang mapanatili ang top working condition ng preno.
Ang automatic slack adjuster ay kusang nagpapanatili ng adjustment ng preno, samantalang ang manual adjuster ay from time to time ay nangangailangang ikaw mismong drayber ang mag-adjust ng preno.
Ang karamihan sa ating mga drayber ay nakaliligtaang lagyan ng grasa ang automatic slack adjuster sa kadahilanang hindi naman ito regular na ginagamit.
Sa maraming pagkakataon, kung ito ay makaligtaang lagyan ng grasa, these seize up and stop working na ang end result ay ang pagpalya ng preno kapag ginamit.
KARANIWANG PROBLEMA NG DRAYBER SA SASAKYAN
Napakaraming karaingang idinudulot sa pitak na ito ng mga kasalaming drayber tungkol sa mga problemang kanilang kinahaharap halos sa araw-araw na kanilang pagkayod sa lansangan upang kumita para panustos sa hapagkainan ng mag-anak.
Unang malimit na sinasambit ng ating mga kapasada ay ang pabago-bagong presyo ng petrolyo na halos linggo-linggo ay nagaganap.
Ibinubunton nila ang sisi sa deregulation law na walang lakas ang pamahalaan upang masagkaan o mapigilan ang pabago-bagong presyo ng petrolyo na ang nagdidikta ay ang pandaigdigang merkado.
Bukod sa mga nabanggit, ang karaniwang namumutawi sa labi ng ating mga kapasada ay ang karaingang tumatalakay sa most common car problems na nararanasan nila sa araw-araw na paggulong sa lansangan o sa kanilang paghahanapbuhay.
Narito ang karaniwang nararanasan nilang problema sa kanilang pamamasada sa araw-araw:
- Ayaw mag-start ang engine sa umaga sa panahon ng kanilang paglarga para mamasada.
Gawi ng ating mga kapasada na sa pagpapa -start ang malimit na pagpindot sa starter ng sasakyan hanggang sa tuluyang mawalan ito ng daloy ng koryente na nagbibigay ng siklab para umandar ang engine.
Bukod dito, marami pang gawi ang ating mga kapasada na dapat bigyan ng atensiyon tulad ng:
- naiiwang nakasindi ang ilaw ng sasakyan kapag nakahinto ang sasakyan.
- ang malfunctioning (di paggana) ng alternator at
- napabayaang battery sensor o charging components.
- Mabuway na steering wheel – Ang mabuway na steering wheel ay dapat nating batirin ang dahilan. Maaaring hindi naman ito mapanganib, ngunit ito ay isang indikasyon na magiging ugat ng isang malubhang problema ng sasakyan kapag binalewala.
Kapag nakaramdaman kayo ng shaky steering wheel ng inyong minamanehong sasakyan gunitain na rito ay kasama ang:
- tire imbalances o hindi pantay na pagkapudpod ng gulong
- malfunctioning ng suspension
- damage wheel bearing.
Kung napapansin o nararamdaman ang mga nabanggit, huwag mag-atubiling ipa-check kaagad sa qualified mechanic at huwag nang hintayin pang humantong sa grabeng panginginig upang maiwasan ang pagkasira ng sasakyan at malaking gugol sa pagpapa-repair.
MAGANDANG BALITA HATID NG LTO
Mga kapasada, magandang balita hatid ng Land Transportation Office (LTO).
Ito ay may kinalaman sa bago nitong programa na: “LTO BRINGS BEST, QUICKER SERVICES CLOSER TO THE PEOPLE”.
Ayon sa pakikipanayam ni Jun Legaspi ng PJT, binigyang diin ng LTO na “We bring Land Transportation Office services closer to the public”.
Kaugnay nito, binigyang linaw ni LTO – National Capital Region West Director, Atty. Clarence Guinto na pormal na inilunsad ng LTO ang LTO ON WHEELS na ang pahayag ay ginawa sa panahon ng flag ceremony.
Sinabi ni Director Guinto na ang layunin ng pagtatatag ng LTO on Wheels ay ang pagpoproseso ng renewal ng car registration, renewal ng drivers’ license (professional), non-professional at student permits.
Gayundin, idinagdag ni Director Guinto na ang LTO on Wheels ay sinusuportahan sa pamamagitan ng smoke emission testing requirements and technicians and doctors for on the spot or one stop shop checkups.
Idinagdag pa ni Director Guinto na ang konsepto at implementasyon ng LTO on Wheels ay nakaangkla sa strict orders of Transportation Assistant Sec. Edgar Galvante to become closer to the people. Kasangguni: Jun Legaspi (PJT), maraming salamat.
PAGMAMANEHO KUNG UMUULAN
Panahon na naman ng tag-ulan. Hindi nga kasi, ang ulan ay mahirap maging kaibigan ng mga drayber.
Nagiging madilim ang kapaligiran, madulas ang mga daan, malambot ang lupa sa mga hindi sementadong kalye, maraming sirang daan, malabo ang mga salamin ng sasakyan, at marami ang nagmamadaling umuwi.
Ang lahat ng ito ay nagiging sanhi ng hindi maiwasang pagbagal ng daloy ng trapiko at kung hindi mapaghahandaan ay maglilika ng abala at disgrasya sa daan.
So let’s pray to the Lord. Ingat mga kapasada.
LAGING TATANDAAN: Umiwas sa aksidente upang buhay ay bumiti.
HAPPY MOTORING!