KAHANDAAN NG GOBYERNO SA KALAMIDAD PAG-AARALAN

Senador Win Gatchalian-2

SA KABILA ng pag-alboroto ng Bulkang Taal, naghain si Senador Win Gatchalian ng isang resolusyon upang magkaroon ng isang pag-dinig sa pagpapatupad ng Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 o Republic Act 10121.

Ani Gatchalian, mahalaga ang gagawing pagdinig upang mapalakas ang kahandaan at kakayahan ng bansa sa pagresponde sa mga sakunang tulad ng pagputok ng Bulkang Taal.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na mahigit 53,716  pamilya sa Batangas, Que­zon, Laguna, at Cavite ang naapektuhan ng pag-alboroto ng bulkan at  mahigit  29,424 sa mga pamilyang ito ang kasalukuyang nasa 416 evacuation centers.

Gayundin, ayon sa NDRRMC  ay pumalo na sa P3.2 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura.

Ayon naman sa report ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs o OCHA, mahigit walong milyong mag-aaral mula sa 7,900 paaralan ang naapektuhan ng pagsuspinde ng klase at pagsara ng mga paaralang tinamaan ng ashfall.

Sinabi naman ng grupong Save the Children, may 21,000 mga bata ang nananatili sa 14-kilometer danger zone sa paligid ng bulkan.

Sa pangyayaring ito, naantala ang pag-aaral ng may sampung libong mag-aaral dahil sa 1,147 mga silid-aralan ang ginagamit bilang evacuation centers na kung saan ay nanawagan na ang DepEd sa pag-lipat ng mga evacuees upang makapagpatuloy na ng pag-aaral ang mga apektadong estudyante.

Kaugnay nito, nanawagan din ang DepEd sa mga pampublikong paaralan sa CALABARZON na tanggapin ang mga mag-aaral na kailangang lumikas.

“Nais nating maisagawa itong pagdinig hindi para magturo kung sino ang mga may pagkukulang sa pagsabog ng Taal at sa mga nagdaang sakuna. Ang ating layunin ay malaman kung paano natin lalong mapapalakas ang ating sistema ng pag-responde sa panahon ng kalamidad,” ani Gatchalian.

“Halos sampung taon na ang lumipas si­mula nang maisabatas ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, ngunit marami pa ring mga kakulangan sa a­ting sistema na kailangang bigyan ng pansin. Mga kababayan natin ang patuloy na magdurusa kung hindi natin palalakasin ang ating kahandaan at kakayahang tumugon sa mga sakuna,” dagdag pa ng senador.

Nananatili sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal kaya malaki pa rin ang posibilidad na magkaroon ng malaking pagsabog sa mga susunod na oras o araw na napag-alaman na simula Enero 12, umabot sa 714  pagyanig na ang naitala dulot ng pag-alboroto ng bulkan.

Iginiit ng senador na mahalaga ang gagawing pagdinig dahil madalas makaranas ang Filipinas ng mga sakuna.

Batay sa ulat ng United Nations University-Institute for Environment and Human Security (UNU-EHS), sa taong 2018 at 2019, kabilang ang Filipinas sa sampung pangunahing bansang may pinakamataas na panganib na dulot ng mga kalamidad. VICKY CERVALES

Comments are closed.