ROME, Italy- KILALA si Pope Francis sa pagiging mapagkumbaba, subalit namangha ang grupo ng mga paring Filipino sa ginawa ng Santo Papa sa kanila na mistulang umaktong isang ama.
Ito ay nangyari nang paalis na ang mga pari sa silid sa Apostolic Palace para makapagdaos na ang Santo Papa ng meeting sa mga obispo ng Filipinas nitong Lunes nang bigla silang kinawayan at tinawag.
Sa salaysay ni Fr. Kali Pietre Llamado ng Manila archdiocese, hindi nila inaasahan na sila ay tatawagin ni Pope Francis at pabalikin sa gitna ng napaka-pormal na kaganapan.
Pinaikutan ng mga ito si Pope Francis na nagpasalamat sa kanilang lahat: ‘Thank you for accompanying the bishops here. I will talk to them now. I know you are always praying for me,” ang pahayag ng Santo Papa.
“Then he waved his hand to us and sweetly said ‘Bye bye!’ What a loving gesture from a real father to us,” dagdag ni Llamado.
Nasa 30 mga pari ang sumama sa mga obispo mula sa Metro Manila at northern Luzon na nasa kanilang ad limina visits sa Rome.
Kabilang sa mga ito ay sina Fr. Marvin Mejia, secretary general ng Philippine bishops’ conference, ang iba ay bishops’ secretaries, at mga pari na nag-aaral sa Rome kabilang dito si Fr. Luciano Acuña, writer ng Tinig ng Pastol sa PILIPINO Mirror na nayakap pa ng Santo Papa.
Sinabi ni Fr. Llamado, na Vice-Rector ng Manila Cathedral, na kahanga-hanga at inspirational ang pangyayari.
“It’s just amazing that instead of just dismissing us, he (Pope) talked to us personally,” pahayag ni Fr. Llamado. “It’s like saying that he valued our presence there.”
Ang ad limina visits ng Filipino bishops ay itinakda sa tatlong magkakaibang grupo at ang bawat isang grupo ay mayroong isang linggo na mananatili sa Rome.
Matapos ang Luzon group, magtutungo naman dito ang mga obispo mula sa Bicol region at Visayas at pagkatapos ay ang prelates mula sa Mindanao at mula sa ecclesiastical province ng Lipa.
Ito ang unang ad limina visit para sa Filipino bishops sa ilalim ng Francis’ papacy. Ang pinakahuli ay noong 2011 sa panahon ni Pope Emeritus Benedict XVI.