KAHILINGAN PARA SA 2021 —  MABISANG BAKUNA LABAN SA COVID-19

JOE_S_TAKE

SA PAGPASOK ng bagong taon ay napabalita rin ang pagpasok ng bagong uri ng COVID-19 sa iba’t ibang bansa na mula sa United Kingdom. Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakaroon ng bagong uri ng nasabing virus, muling nanganganib na ipasara ang bansa sa mga turistang nagnanais pumasok dito upang maiwasan ang pagpasok ng bagong uri ng COVID0-19 sa bansa.

Sa mga nangyayari sa mundo, tila hindi na talaga babalik ang buong mundo sa normal na takbo ng buhay nito. Kung babalik man, inaasahang matagal bago ito mangyari. Sa kabila nito, nanatili ang pag-asang patuloy na makagagawa ng mga paraan ang mga Filipino sa bansa na mamuhay nang ligtas sa virus habang pinananatili ang pagtakbo ng ating ekonomiya upang patuloy na mabigyan ng hanapbuhay ang mga Fi­lipino.

Bago ito mangyari, ang unang hakbang ay ang pagpapatibay ng kultura ng lubos na pag-iingat, mahigpit na pagsunod sa mga panuntunan patungkol sa ating kaligtasan at kalusugan.

Sa pagsisimula ng bagong taon, mahalagang mabantayan ng gobyerno at lokal na pamahalaan kung magkakaroon ng pagtaas sa bilang ng mga may COVID-19 sa bansa kasunod ng pagtatapos ng pagdiriwang ng Pasko at ng Bagong Taon. Ito ay makapagbibigay ng mabisang perspektibo kung nasaan na tayo sa gitna ng pandemya. Makatutulong ito sa ating pagsubok na bumalik sa normal na takbo ng ekonomiya ngayong 2021.

Habang ang mga malalaking korporasyon ay nasa tamang direksiyon sa muling pagbabalik sa normal na operasyon, iba naman ang sitwasyon para sa mga maliliit na negosyo. Ang mga maliliit na negosyong ito ay isa sa mga unang kailangang makakuha ng bakuna laban sa COVID-19.

Ang pagsiguro na makakakuha ang Filipinas ng sapat na bilang ng bakuna laban sa COVID-19 at ang pagkakaroon ng maayos na sistema kung paano ito ipamimigay sa mga mamamayan, ay ang tanging paraan sa pagkakaroon ng mas maayos na ‘bagong normal’.

Ang magandang balita ay patuloy ang ating gobyerno sa pagsiguro na makakakuha tayo ng sapat na bilang ng bakuna para sa lahat. Patuloy ang kanilang negosasyon sa iba’t ibang kompanyang parmasyutikal. Kasalukuyang minamadali ng Moderna Inc, isang parmasyutikal na kompanya mula sa US, ang pagpapadala ng produkto nitong bakuna sa Filipinas, ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr.

Habang hindi pa opisyal na inaanunsiyo ng pamahalaan kung may kasunduan na ang pamahalaan sa Moderna, patuloy naman ang koordinasyon sa pagitan ng dalawang partido.

Ipinarating ng pamahalaan sa gobyerno ng US na kailangan nitong makapagbigay ng 20 milyong bakuna sa bansa kung nais ni-tong magpatuloy ang Visiting Forces Agreement (VFA).

Sa aking personal na pananaw, mas mainam kung mas maraming opsiyon para sa bakuna. Kung mas marami ang pagpipilian, mas malaki ang posibilidad na makakakuha tayo ng sapat na bilang ng bakuna na naaayon sa plano at badyet ng pamahalaan kada taon.

Bukod sa Moderna, sinisikap din ng pamahalaan na makakuha ng bakuna mula sa isa pang kompanya mula sa US, ang Arcturus. Ayon kay Locsin, ang dalawang kompanya ay umayon sa pagbibigay ng 25 milyong dosis ng bakuna simula sa unang bahagu ng 2021.

Ayon naman kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr. inaasahang makakakuha ng bakuna ang Filipinas mula sa mga parmasyutikal na kompanya sa mga bansang nasa Kanluran ngayong taong 2021.

Binigyang-diin ni Galvez na kausap din niya ang Johnson & Johnson, AstraZeneca, Gamaleya Institute ng Russia, at ang Novavax mula sa India. Kung maisasara ang mga negosasyong ito, kasama ang negosasyon sa Moderna, sigurado nang makakakuha ang bansa ng hindi bababa sa 80 milyong dosis ng bakuna.

Malaki ang posibilidad na ang AstraZeneca, na dati nang nag-alok ng 6.2 milyong dosis ng bakuna, ang unang makapagsasara ng negosasyon sa Filipinas. Ito ay inaasahang susundan ng Novavax, Pfizer, at ng Johnson & Johnson. Idinagdag din ni Galvez na mayroon ding pag-uusap na nagaganap sa pagitan ng Filipinas at ng Gamaleya at Sinovac.

Ang mahalaga ay makakuha ang Filipinas ng bakuna na mataas ang supply, mabisa at maganda ang kalidad sa abot-kayang halaga.

Sa iminumungkahing badyet para sa 2021, tinatayang nasa P72.5 bilyon ang ilalaan para sa pagkuha ng bakuna.

Kailangan nang makabangon ng ating ekonomiya. Bagama’t mayroon nang magagandang epektong nakikita mula sa pagbabalik operasyon ng mga malalaking korporasyon, ang mga maliliit na mga negosyo ang talagang nangangailangan ng bakuna upang muli silang makabangon at makatulong sa pagpapalago ng ekonomiya ngayong 2021.

Ang mga maliliit na negosyo at kompanya ay ilan sa mga talagang nakaramdam ng negatibong epekto ng pandemya. Wala silang nagawa kundi ang pansamantalang isara ang kanilang negosyo at huminto sa operasyon dahil wala rin namang mga customer na pumupunta sa kanilang mga puwesto.

Kailangan nating makakuha ng bakuna sa lalong madaling panahon upang mapanatiling ligtas ang populasyon. Ito rin ang magbibigay daan sa mga maliliit na negosyo na muling magbalik-operasyon at muling makabangon.

Ako ay nananalangin at umaasa na nawa’y hindi magtatagal ay maaari na tayong mamasyal sa mall, mga kainan, gym, barberya, salon, at iba pang lugar, nang walang inaalala ukol sa ating kaligtasan at kalusugan.

Ito ang aking pangunahing kahilingan para sa ating bayan ngayong 2021. Sana ay maging maayos at ma-bilis ang pagdating ng bakuna laban sa CO­VID-19 sa ating bansa.

Comments are closed.