KAHINAAN NG AIRPORT INFRASTRUCTURE SYSTEM PINAREREPASO

NAIS ni Senador Win Gatchalian na repasuhin ang kahinaan sa imprastraktura ng sistema ng paliparan sa bansa upang maiwasang maulit ang technical glitch na nangyari noong Bagong Taon na nagdulot ng pagkaantala ng biyahe ng maraming pasahero.

“Kung hindi mapipigilan, ang anumang mga kahinaan ay maaaring makasira sa pagsisikap ng gobyerno na pangalagaan ang mga hakbangin para sa patuloy na pagbangon ng ekonomiya para sa sektor ng turismo at transportasyon,” sabi ni Gatchalian, kasunod ng inihain niyang Senate Resolution 421 na nananawagan para sa isang pagsisiyasat sa naturang insidente, na umano ay nagmula sa isang technical glitch na kinasasangkutan ng Communications, Navigation, and Surveillance Systems for Air Traffic Management (CNS/ATM).

Tututukan din ng Senado ang mga hakbang sa seguridad at redundancy sa lahat ng aspeto ng sistema ng transportasyon sa himpapawid ng bansa upang maiwasan na maulit ang insidente at matiyak ang kaligtasan, kaginhawahan, at karapatan ng mga apektadong pasahero, binigyang-diin ni Gatchalian.

Dahil sa sinasabing glitch noong Bagong Taon, may mga naiulat na pagkansela ng flights, paglilipat, at pagkaantala ng mga biyahe na nakaapekto sa higit 60 libong mga pasahero. Ang insidente, na nagdulot ng pagsasara ng buong airspace ng bansa sa loob ng humigit-kumulang 10 oras, ay nagresulta sa pagkawala ng kita na umaabot sa tinatayang P131.97 milyon batay sa average na pang-araw-araw na kita ng sektor ng flight segment mula 2020 hanggang 2022 na P316.73 bilyon, batay sa datos ng Statista.

Binanggit din ni Gatchalian na kasunod ng insidente, iba’t ibang espekulasyon ang lumabas sa napaulat na dahilan ng technical glitch sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na kinabibilangan ng vulnerability ng sistema sa cyberattacks, sabotage, diversion ng budget na inilaan para sa system sa non-essential civil works sa NAIA, kawalan ng back-up system sa labas ng airport premises, at incompetence ng mga traffic control personnel.

Bukod sa pagkawala ng kita at abala sa mga stranded na pasahero, ang insidente ay nagdulot din ng panganib sa trabaho ng ilang overseas Filipino workers na hindi nakabalik agad sa kanilang mga trabaho sa labas ng bansa.

“Kailangan nating malaman ang puno’t dulo ng mga ganitong pangyayari upang bigyang-daan ang mga aksyon kabilang ang mga redundancy measures para masigurong hindi na ito maulit at para din mapanagot ang mga nasa likod ng insidente,” ayon kay Gatchalian.

Dagdag pa niya, ang insidente ay may malaking epekto sa inisyatiba ng gobyerno upang isulong ang turismo sa bansa at makilala bilang isang destination hub.

VICKY CERVALES