TINIYAK kahapon ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na tinutugunan na ng pamahalaan ang problema sa kahirapan ng bansa.
Ayon kay Romualdez, ang pag-abswelto ng Marcos administration sa mga utang ng mga magsasaka o “loan condonation” na umabot sa P57.56 bilyon ay isa lang sa pamamaraan ng pamahalaan para matulungang maiahon sa kahirapan ang 600,000 na magsasaka ng bansa.
Anang House Speaker, marami pang programa ang pamahalaan na nakalinya para matugunan ang problema sa kahirapan.
Aniya, “dati kasi, yung kinikita ng magsasaka natin ay napupunta lang sa pagbabayad sa utang dahil nakasanla ang lupa na sinasaka niya”.
“Now being free from debt, maitatabi na niya ang kinikita niya para sa pamilya niya”, dagdag pa ni Speaker Romualdez.
Ang pagtataas naman aniya ng sahod ng P40 kada araw ng mga manggagawa sa Metro Manila ay isa rin sa solusyon para maibsan ang epekto ng mataas na mga bilihin ngayon.
Ayon sa Lider ng Kongreso, “I know it is not enough pero dapat i-consider din natin na karamihan sa mga employer na ito ay nagrerekober pa rin dahil sa epekto ng Covid”.
“Hindi po kami titigil dyan, dahil marami pang mga panukalang batas sa Kongreso ang nakalinya na tutugon sa kahirapan ng bansa,” dagdag pa ni Romualdez.
Paaala pa ni Romualdez, “ang Marcos administration ay naka-focus simula pag-upo nito sa pagsawata sa kahirapan or poverty alleviation at recovery from pandemic…so ‘yan ang prayoridad natin ngayon”.
Ilan pa sa mga programa ng pamahalaan para sa mahihirap ay ang pagpapatayo ng mga Kadiwa stores nationwide, low cost housing ng Department of Human Settlements, at ang patuloy na pagbibigay naman ng ayuda sa mga mahihirap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).