(Kahit 95M na ang nakarehistro) SIM CARD SCAMMERS AKTIBO PA RIN

NANATILING aktibo pa rin ang operasyon ng mga scammer sa kabila ng pahayag ng National Telecommunications Commission (NTC) na umabot na SA 95 milyon ang bilang ng sim card na nakarehistro.

Kaya’t babala ng PNP-Anti Cybercrime Group sa publiko na maging maingat dahil patuloy na dumarami pa rin ang mga scammer.

Paalala ng PNP-ACG, huwag basta-basta magre-reply sa mga kahina-hinalang text messages at huwag din i-click ang kahit anong link mula rito.

Pinapayuhan din na huwag mag-panic kung sinasabing na-lock ang inyong account lalo na sa mga may online bank account o electronic wallets gaya GCash at Paymaya.

Babala pa ng mga awtoridad at maging ng mga bangko na maiging i-check ang email address o number ng nagpadala ng message, tumawag sa official numbers ng inyong bangko at i-verify ang natanggap na email o text message.

Paliwanag ng PNP , ang phishing ay ang iligal na pagkuha sa mga personal na impormasyon gamit ang email habang ang smishing naman ay iligal na pagkuha sa mga personal na impormasyon gamit ang text message o SMS.

Halimbawa ng mga ito ang email at text message na naglalaman ng code at link na kapag pinindot ay kokonekta sa isa pang dummy account na kukuha pa ng karagdagang impormasyon tulad ng bank accounts at password at maging mga personal data na kunwari ay kailangan para sa verification ng mga personal accounts.

Nag-warning pa ang PNP-ACG sa publiko, huwag na huwag magbibigay ng kahit anong impormasyon sa text o e-mail tulad ng inyong bank account number, password at one-time password (OTP).
VERLIN RUIZ