ILANG mga driver at operator kasama ang mga miyembro ng ilang pang grupo, ang nagtipun-tipon kamakalawa sa Monumento Circle sa Caloocan City.
Ang naturang pagtitipon ay isinagawa sa gitna ng traffic rush sa Pasko habang patuloy ang kanilang protesta sa napipintong phaseout ng mga traditional public utility vehicles (PUVs).
Sinabi ni Mar Valbuena, pinuno ng transport group na Manibela na nagsimula ang rally ng protesta dakong alas-2 ng hapon.
Sinabi pa nito, ang bilang ng mga nagprotesta ay umabot sa humigit-kumulang 2,000 dakong ala-5 o 6 ng gabi.
Sinakop ng mga nagpoprotesta ang hindi bababa sa tatlong linya sa Monumento Circle na nagdulot ng matinding trapiko sa lugar.
Pinag-isipan ng PISTON na dalhin ang naturang isyu ng modernisasyon ng PUV sa Supreme Court (SC) at magpapatuloy ang mga protesta sa panahon ng Kapaskuhan.
“Tuloy-tuloy po ito. Hindi po ito matitigil kung hindi mapakikinggan. Maga-announce kami sa mga susunod na araw, may malaki pang pagkilos tungkol dito,” ani Valbuena.
Ikinalungkot ng mga nagprotesta ang Disyembre 31 na deadline para sa pagsasama-sama ng mga jeepney operators sa mga kooperatiba, bilang bahagi ng modernization program na mag-aalis ng malaking bilang ng mga jeepney kapag hindi na-renew ang kanilang prangkisa.
Sakaling ituloy ng gobyerno ang plano nito, sinabi ni Valbuena na mahigit 300,000 katao sa buong bansa ang maaaring mawalan ng trabaho.
Kaugnay nito, nanawagan si Valbuena sa iba pang miyembro ng transport group na makiisa sa mga protesta.
“Lalo na sa mga operators na nasa bahay lang, magkaisa po tayo, makiisa kayo. Hangga’t andyan ang PUVMP, kahit na naka-consolidate, naka-umang ang phaseout,” dagdag pa ni Valbuena.
Matatandaan na nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa isang pahayag na 70 porsyento ng lahat ng mga operator ay nakatuon na at pinagsama-sama sa ilalim ng PUV Modernization Program, at idinagdag na ang minorya ay hindi dapat payagang magdulot ng karagdagang pagkaantala para sa karamihan. EVELYN GARCIA