ITUTULOY ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA) ang ikinakasang tigil- pasada sa Lunes, Oktubre 16, sa kabila ng pagbawi ng isang “whistleblower” sa akusasyon nitong korupsiyon laban sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ito ang tiniyak ni MANIBELA president Mar Valbuena at sinabing ang nationwide transport strike ay idaraos bilang protesta sa December 31 deadline ng LTFRB para sa consolidation ng traditional jeepneys bilang bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
“Tuloy na tuloy dahil ‘yung nakaamba rin na deadline sa amin na December 31,” wika ni Valbuena sa isang panayam sa radyo.
Noong Miyerkoles ay binawi ni dating LTFRB employee Jeff Tumbado ang mga akusasyon ng katiwalian laban kina Transportation Secretary Jaime Bautista at suspended LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III.
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Tumbado na nabigla at naimpluwensiyahan lang siya pero iginiit niyang kailangan pa ring imbestigahan ang sistema sa ahensiya.
“I have issued this sworn statement as a form of public apology in favor of Chairman Teofilo Guadiz III, Secretary Jaime Bautista, of the DOTr, and to the Office of the President,” ani Tumbado, at idinagdag na wala siyang malisyosong intensiyon na sirain ang integridad at reputasyon ng sinumang indibidwal.