LUMABAS na ang pinakabagong survey ukol sa pagtingin at pakiramdaman ng sambayanan sa serbisyong ibinibigay ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ayon sa Pulse Asia, na nagsagawa ng nasabing survey noong Setyembre 10 hanggang 14, ang approval rating ni PBBM ay bumagsak mula sa 80% noong Hunyo na ngayon ay 65% na lang.
Samantalang ang kanyang bise presidente na si Sarah Duterte ay bahagyang bumagsak din mula 84% at naging 73% na lamang. Sila ay nagsimulang manungkulan sa ating bayan halos isa at kalahating taon na.
Gayunman, sinabi ng Pulse Asia na nangangahulugan ito na ang sambayanan ay kuntento pa rin sa estilo ng pamamahala ng administrasyon ni PBBM.
Kung ating ikukumpara sa mga nakalipas ng presidente ng ating bansa, totoo naman na hindi nalalayo si PBBM sa mga pangulo na naluklok sa puwesto sa pamamagitan ng tinatawag na ‘landslide victory’ tulad nina Pangulong Noynoy Aquino, Erap Estrada at Rodrigo Duterte matapos magsagawa ng survey ng approval rating, isa’t kalahating taon makalipas ng kanilang panunungkulan.
Malayong-malayo ito sa approval at trust rating ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na bumagsak sa 22% noong Agosto 2005 pagkatapos lumabas ‘yung isyu ng “Hello, Garci”. Nawalan ng tiwala ang sambayanan kay GMA hanggang natapos niya ang kanyang termino noong 2010.
Si PNoy ay nakakuha ng 77% approval rating noong Setyembre 2011, tumaas pa mula sa 71%. Samantalang si Erap ay nakakuha ng 61% noong Setyembre 1999 na bumagsak mula sa 74% noong buwan ng Mayo ng nasabing taon. Si Pangulong Duterte ay nakakuha ng 82% noong Hulyo 2017 at 80% satisfaction rating noong Setyembre 2017.
Ano ang ibig sabihin nito? Kung pagbabatayan natin ang trust and approval rating ng ating sambayanan, ang hinahanap natin sa isang pangulo ay ‘yung paninindigan at gumagamit ng kamay na bakal sa mga pangunahing problema ng ating bayan.
Marami ang bumatikos kay Duterte sa estilo niya noong siya ay naging ating pangulo. Hinamak at minura niya ang Simbahang Katoliko sa mga batikos nila sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Hindi nagpapaapekto si Digong sa utos ng International Criminal Court (ICC) na imbestigahan siya sa ‘crimes against humanity’ sa kampanya laban sa mga ilegal na droga.
Marahil ang kultura ng mga Pilipino na naghahanap ng istriktong ama ang nakapagbigay ng mataas na approval at trust rating kay Duterte. Hindi ba’t tinatawag din siya bilang ‘Tatay Digong’ ng mga ibang kababayan natin? Sa lahat ng kahinaan at pag-amin ni Duterte sa kakulangan niya sa aspeto ng pamamalakad ng ating ekonomiya, tinulungan at ginagabayan siya ng kanyang malapit na kaibigan na si Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez sa mga polisiya ng ating bansa tungkol sa ekonomiya. At kung pag-uusapan ay laban sa korupsiyon, ipinakikita ni Duterte na may kalalagyan ang mga opisyal ng gobyerno kapag may nakita siyang katiwalian. Ngunit may mga tsismis na may mga nakapaligid kay Digong na nakalusot sa ilang malalaking proyekto sa gobyerno.
Subalit ibang istorya ito. Ang sinasabi ko lang ay ang persepsyon ng nakararami na si Digong ay payak sa pamumuhay. Simple lang. Ipinakita sa media na natutulog lamang siya sa papag at mas nais niya ang buhay probinsya sa Davao imbes na mamuhay sa Malakanyang.
Malayo ang estilo ng pamamalakad ni PBBM kay PRRD. Wala sa personalidad ni PBBM si PRRD.
Kumbaga sa isang mang-aawit, si Digong ay rakista samantalang si Bongbong ay isang balladeer.
Ang mahalaga ay pag-aralang mabuti ni PBBM na mapanatili ang ‘pasadong’ approval at trust rating niya ng sambayanan batay sa pinakahuling survey. Malinaw ang hinihingi ng sambayanan.
Kailangan natin ng lider na hindi malamya. Marunong magalit at hindi natatakot na pagalitan ang mga taong gobyerno na nagkakamali o sangkot sa katiwalian. Ipakita ni PBBM na nararamdaman ng ating mga kababayan ang umaakyat na ekonomiya, mabilis na aksiyon laban sa krimen, serbisyo sa mga mahihirap na mga kababayan natin at masaganang produksiyon sa agrikultura. Dapat ay basagin niya rin ang imahe na may ibang mga taong nakapaligid sa kanya na nagpapalakad ng ating gobyerno.
Tandaan, ang karamihan ng kabataan na bumoto kay PBBM ay naimpluwensyahan sa mga nakita nila sa social media kung gaanong kaganda ang Pilipinas noong namuno ang ama ni PBBM na si Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Hindi na alam ng mga kabataan ang mga ibang isyu na laban sa ama ni PBBM. Ang alam lang ng mga hindi nakasaksi ng tinatawag na ‘Bagong Lipunan’ noong dekada 70 ay maganda at maayos ang Pilipinas.