(Kahit ‘di sila mabisita sa senenteryo) MGA YUMAO IPANALANGIN – FR. SECILLANO

Jerome Secillano

HINDI isang obligasyon ang pagtungo sa mga sementeryo tuwing Undas dahil higit pa ring mas mahalaga na ipanalangin natin ang mga kaluluwa ng mga yumao nating mahal sa buhay.

Ito ang inihayag ni Father Jerome Secillano, executive secretary ng Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kasunod ng kautusan ng ilang local government units (LGUs) sa Metro Manila na isarado ang mga sementeryo sa rehiyon mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3, o sa panahon ng Undas, upang maiwasan ang posibleng hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kaugnay nito, hinimok ni Secillano ang publiko na magkaroon ng mas malawak na pang-unawa at kahinahunan hinggil sa isyu.

Ipinaliwanag niya na hindi naman isang obligasyon na magtungo sa sementeryo tuwing Undas dahil ang mas mahalaga aniya ay ang ipanalangin natin ang mga kaluluwa ng ating mga yumaong mahal sa buhay.

Pinayuhan  ni Secillano ang mga mamamayan na sa halip na magtungo sa mga sementeryo ay magdasal na lamang sa mga simbahan at parokya sa kanilang lugar.

Kung sakali naman umanong sarado ang kanilang mga parokya dahil sa COVID-19 ay maaari na lamang na tumawag sa mga tanggapan ng mga ito at mag-alay ng intensiyon para sa mga yumao nilang kaanak.

Tiniyak naman ni Secillano na lahat ng mga simbahan sa bansa ay magdaraos ng mga banal na misa sa panahon ng Undas, hindi lamang aniya sa mga simbahan at parokya, kundi may Live Mass din sa Facebook at maging sa radyo at telebisyon.

“If they cannot go to cemeteries, they can opt to stay at their own homes and light a candle for the departed and the families can pray for them,” aniya pa.

Nauna rito, ilang lungsod na sa Metro Manila ang nagpaabiso na sarado ang mga sementeryo sa kanilang lugar sa panahon ng Undas, kabilang dito ang Maynila, San Juan, Valenzuela, Pateros, Makati, Malabon, Marikina, at Parañaque. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.