(Kahit dumarami ang kaso) FATALITY RATE SA COVID-19 BUMABABA

Maria Rosario Vergeire

NAKAPAGTALA na ang Department of Health (DOH) ng unti-unti nang pagbagal ng pagtaas ng bilang ng mga namamatay dahil sa sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong mga nakalipas na araw.

Ito’y sa kabila ng pa­tuloy na pagtaas ng kaso ng sakit, na sinasabing dulot ng pagluwag ng ipinatutupad na lockdown measures ng pamahalaan.

Batay sa datos ng DOH, nabatid na hanggang nitong Martes ng umaga ay mayroon na silang naitalang 46,333 COVID-19 cases at sa naturang bilang ay 1,303 ang namatay.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang naturang bilang ng mga nasawi ay katumbas ng fatality rate na 2.9 porsiyento lamang, na hamak na mas mababa kumpara sa 10 porsiyento na fatality rate na naitala nila noong panahon nagsisimula pa lamang ang pandemic.

“We can see that the deaths here in the country are slowly going down, it’s really decreasing,” pahayag pa ni Vergeire, sa panayam sa telebisyon.

Paliwanag ni Vergeire, ang pagbaba ng fatality rate ay dahil mas ekperiyensado na ang mga manggagamot sa pagsuporta at pagbibigay ng lunas sa mga pasyente lalo na yaong malala at kritikal ang kondisyon.

“When we tried to look at our experience in the country, we are seeing great improvement in how cases are being managed,” dagdag pa niya. “We are seeing lesser deaths because we can see that clinicians now already have that much evidence and different information for them to be able to manage and support patients who are severe and critical and are being admitted in our hospitals.”

Karamihan o 96 porsiyento ng naitatala nilang pasyente ng virus ay mayroon lamang mild symptoms ng sakit.

Sa kabila nito, nagbabala si Vergeire na dapat pa ring maging mas maingat ang publiko upang hindi mahawahan ng sakit lalo na at patuloy pa rin ang naitatala nilang pagdami ng kaso nito.

Kahapon  ay  nakapagtala ng panibagong 1,540 COVID-19 cases hanggang 4PM sanhi upang umakyat na sa 47,873 ang kabuuang bilang ng karamdadaman sa Filipinas.

Sa naturang bilang, 993 ang “fresh cases” habang 547 naman ang “late cases.”

Samantala, umabot na rin sa 12,386 ang bilang ng mga pasyenteng gumaling na sa virus, matapos na makapagtala pa ng DOH ng 201 new recoveries kahapon.

Mayroon pa rin namang anim na pasyente ang binawian ng buhay dahil sa sakit kaya’t umakyat na ang death toll ng virus sa 1,309. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.