INIHAYAG kahapon ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na ipagpapatuloy pa rin ng lokal na pamahalaan ang paggamit ng quarantine passes kahit inanunsiyo ng gobyerno ang pagbaba sa mas maluwag ngunit mas pinahigpit na implementasyon ng general community quarantine (GCQ) na nagsimula noong Agosto 19.
Sinabi ni Olivarez, ang mga residente lamang na naisyuhan ng mga quarantine pass at may authorized persons outside residences (APOR) ang papayagang lumabas ng kanilang bahay na isa sa mga paghihigpit na ipapatupad ng GCQ sa lungsod.
Nakapaloob din sa kautusan, ang mahigpit na implementasyon ng health protocol guidelines gaya ng paggamit ng face mask at face shield, mahigpit na pagsunod sa curfew hour mula alas 8 ng gabi hanggang ala- 5 ng umaga, maayos na paggamit ng quarantine pass at ang pagsunod sa liquor ban.
Gayundin, pinapayagan lamang ng lokal na pamahalaan ang mga mall, carinderia, palengke, sari-sari store at talipapa na magbukas at magtinda ng kanilang negosyo ng hanggang ala-6 ng gabi lamang.
Kasabay nito, ang mga hawak ng quarantine pass ay kinakailangang sundin ang number coding kung kailan pinapayagan ang mga ito sa pagpunta sa mga mall at palengke.
Ang araw ng Miyerkoles ay inireserba para sa disinfection ng mga palengke habang ang araw ng Linggo ay nakalaan para sa mga taong may mga kapansanan (persons with disability-PWD), senior citizens, mga buntis at mga frontliners.
Pinapayagan na rin ang dine-in sa mga restoran at iba pang establisimiyento sa pagkain ngunit sa tamang kapasidad lamang habang patuloy na ipagbabawal ang pagsisilbi at pag-inom ng alak sa mga nabanggit na lugar gayundin ang pag-iinom sa pampublikong lugar.
Ayon naman kay City Administrator Atty. Fernando ‘Ding’ Soriano, naghihintay na lamang sila ng pag-aapruba sa konseho ng isang ordinansa tungkol sa sapilitang pagsusuot ng facemask at face shield habang nasa labas ng bahay o sa pampublikong lugar.
Ani Soriano, agad ipatutupad at papatawan ng kaukulang multa ang mga lalabag sa nasabing ordinansa. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.