(Kahit i-extend ulit ang ECQ) SUPLAY SA GROCERIES SAPAT

GROCERIES

MAY sapat na supply ng mga produkto sa supermarkets at groceries kahit magpasiya ang pamahalaan na muling palawigin ang enhanced community quarantine sa buong Luzon, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na araw-araw na nagpoprodyus ng supplies ang mga manufacturer upang masiguro na mapapalitan ang stocks sa supermarkets.

Ani Lopez, binabantayan din ng DTI ang production capacity ng mga manufacturer.

“Twice a week may monitoring kami sa kanila how is their production capacity utilization. So, mino-monitor natin ang kanilang imbentaryo, production capacity, pati ‘yung raw products and finished goods so that we would know na ang level ng ating mga imbentaryo ay [maayos],” anang kalihim.

Nauna nang sinabi ni Lopez na pinayagan ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases ang mga manufacturer na mag-operate sa hindi bababa sa 50 percent capacity upang masiguro ang stocks sa supermarkets.

Nagtakda rin ang DTI ng  limits sa bilang ng essential products na maaaring bilhin upang matiyak ang sapat na supply para sa grocery shoppers.

“Basta kumpleto ang production and ang distributors’ system ay moving then very efficiently wala po tayong problema d’yan, that’s on the manufacturing side,” dagdag ni Lopez.

Ang Luzon lockdown, na unang nakatakdang magtapos noong April 12, ay pinalawig sa April 30 upang mapigilan pa ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ngunit may posibilidad na ma-extend pa ang lockdown sa mga piling lugar sa Luzon matapos ang April 30, ayon kay National Ac-tion Plan Against COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr.

Comments are closed.