(Kahit inalis na ang price cap) AYUDA SA RICE RETAILERS TULOY PA RIN

TATAPUSIN ng gobyerno ang pamamahagi ng P15,000 cash aid sa maliliit na rice retailers na naapektuhan ng mandated price ceilings, ayon kay Trade Secretary Alfredo Pascual.

Sa kabila ito ng pagpapatigil ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa price cap sa bigas.

Ayon kay Pascual, ang one-time cash aid ay magpapatuloy hanggang maubos ang pondong inilaan para sa programa.
Sinabi naman ni Department of Trade and Industry-Fair Trade and Enforcement Bureau Director Fhillip Sawali na hindi maaapektuhan ang cash assistance program ng pagbawi sa EO 39.

Hanggang September 29, may P217.2 million na ang inilabas sa 14,480 mula sa targeted 19,685 micro and small rice retailers sa buong bansa.

Sinimulan ng pamahalaan ang pama­mahagi ng ayuda sa mga apektadong rice retailers noong September 9.

Itinakda ng Executive Order No. 39 ang price ceiling na P41 kada kilo sa regular-milled rice at P45 kada kilo sa well-milled rice.

Ang price ceiling ay ipinatupad sa gitna ng pagsipa ng retail prices ng bigas sa local markets.