SA KABILA ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ihinto ang e-sabong sa bansa ay tuloy pa rin ang operasyon nito sa pamamahala ng umano’y gambling lord na si Bong Pineda.
Ayon sa source, ang Sabong Express ni Pineda ay tuloy pa rin sa pagpapalaro at pagpapataya.
Katunayan, hanggang sa social media nitong Miyerkoles ay may ads pa ito tungkol sa schedule ng Sabong Express.
Ang schedule nito ay umpisa ng alas-8:30 ng umaga.
Ito ay may laban na ¾ cock derby, MM5 cock derby at marami pang iba.
Nabatid na maging ang mga awtoridad ay walang magawa para hulihin ang e-sabong ni Pineda kahit may kautusan na si Duterte sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ipinagmamalaki umano ni Pineda na super lakas siya kina Pangulong Duterte, Senator Bong Go at kumare niya si PAGCOR chief executive officer Andrea Domingo.
Ang Sabong E-Express ni Pineda ay nag-o-operate umano sa buong Central Luzon.
Nauna nang ipinatigil ni Pangulong Duterte ang operasyon ng lahat ng e-sabong sa bansa.
Sa Talk to the People, sinabi ng Pangulo na sinang-ayunan niya ang rekomendasyon ni DILG Secretary Eduardo Año kaugnay sa social cost na dulot ng e-sabong.
“The recommendation of Sec. Año is to do away with e-sabong. It’s his recommendation and I agree with it, e-sabong will end by tonight, bukas, lalabas ito bukas,” pahayag ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, inatasan niya si Año na magsagawa muna ng survey kaugnay sa social impact ng online sabong.
“So ginawa ni Sec. Año ang trabaho niya, he reported and validated ‘yung naririnig ko. ‘Yung amin naman sana, buwis lang ang hinahabol namin dito, sinabi ko na sa inyo P640 million is P640 million but may naririnig na ako, loud and very clear to me that it was working against our values,” pahayag ng Pangulo.
“And ‘yung impact sa pamilya pati sa tao e ang labas, ‘di na natutulog ‘’yung mga sabungero,” dagdag ng Pangulo.