(Kahit kapos sa supply)DA HINDI MAG-AANGKAT NG SIBUYAS

INIHAYAG ng Department of Agriculture (DA) na hindi mag-aangkat ng sibuyas para sa natitirang bahagi ng taon, dahil inaasahang magsisimula na ang pag-aani sa mga darating na linggo.

Ayon kay Senior Undersecretary Domingo F. Panganiban, bagaman hindi sapat ang suplay ng sibuyas ay hindi isinasaalang-alang ng Kagawaran ang pag-aangkat, dahil magsisimula nang mag-ani ang mga magsasaka sa Enero at Pebrero sa susunod na taon.

Aniya, pinapakilos ng DA ang Kadiwa program para patatagin ang presyo ng mga sibuyas at sinusubaybayan rin ang supply mula sa mga pasilidad ng cold storage.

“We found out that there are smugglers that are keeping their stock in warehouses,” ani Panganiban.

Sinabi naman ni Assistant Secretary for Inspectorate and Enforcement James Layug, na nakasamsam ang DA ng humigit-kumulang P500 milyong halaga ng mga smuggled na produktong pang-agrikultura noong mga nakaraang buwan.

Paliwanag ni Layug, sasampahan nila ng kaso ang limang consignee dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act.

Hinikayat din niya ang publiko na makipagtulungan sa Kagawaran sa pag-uulat ng mga agri-smuggler.

Para sa bigas, tiniyak naman ni Undersecretary Mercedita Sombilla na walang kakapusan sa suplay sa susunod na taon.

Idinagdag niya na ginagawa ng DA ang lahat ng pagsisikap na balansehin ang importasyon at pataasin ang lokal na produksyon at mabawasan ang halaga ng mga bilihin.

EVELYN GARCIA