PORMAL ng nilag daan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Mobile Number Portability Act o ang Republic Act 11202.
Layon nito na mabigyan ng mas malawak na kalayaan ang mga consumer sa pagpili ng kanilang mobile service provider base sa kalidad ng serbisyo at presyo nang hindi na kinakailangang magpalit ng mobile number.
Nakapaloob sa batas, maaari na ring lumipat ang mga subscriber sa kanilang mapipiling subscription o mula sa Postpaid patungo sa Prepaid at puwede rin naman mula sa Prepaid patungo sa Postpaid nang hindi na kinakailangang magpalit din ng mobile number.
Hinihikayat din ng batas na isulong ng mobile service providers ang maayos na kompetisyon at magbigay ng mas magandang serbisyo sa kanilang mga subscriber o sa consumer.
Sa ilalim ng batas, hindi maaaring tanggihan pigilan o huwag iproseso ng isang Public Telecommunications Entity (PTE) ang aplikasyon ng isang subscriber na gustong mag-avail ng Mobile Number Portability (MNP) at libre din ang serbisyo nito.
Gayundin, dapat ay libre na rin na ibigay ng mga PTE ang serbisyo ng pag-unlock ng mobile phone ng kanilang mga service provider na gustong mag-avail ng MNP.
Inaatasan din naman nito ang mga PTE na pangalagaan ang privacy ng kanilang mga subscriber base na rin sa mga nakasaad sa Data Privacy Act of 2012.
Magiging epektibo ang nasabing nilagdaang batas sa loob ng 15-araw matapos ilabas sa official gazette o iba pang newspaper na mayroong general circulation at kailangang makabuo naman ng Implementing Rules and Regulations sa loob ng 90-araw upang maayos na maipatupad ang batas.
Siniguro naman ni Senador Sherwin Gatchalian, awtor ng Mobile Number Portability Act na prayoridad ng batas ang kapakanan ng mahigit sa 100 milyong mobile phone users.
Ani Gatchalian, nakasaad sa kanilang isinumiteng bill ang resulta ng konsultasyon sa stakeholders kaya makakaasa ang publiko na magiging kapaki-pakinabang ang batas.
Gayundin, ikinatuwa rin ni Senate committee on public order and dangerous drugs chairman Panfilo Lacson ang pagiging ganap na batas ng Mobile Number Portability Act.
“Kudos to Sen. Win Gatchalian for this landmark legislation. I take pride in amending his bill by removing the connectivity charge when crossing telcos,” ani Lacson.
Comments are closed.