KAHIT may paalala na ang Department of Health (DOH) na hindi kailangang mag-panic sa pagbili ng face mask lalo na kung wala namang sakit, out of stock pa rin ang naturang produkto hanggang ngayon.
Nagkaroon ng panic buying ng face mask dahil sa banta ng novel coronavirus o 2019-nCoV, na nagdulot para magmadaling mamili ang mga tao nitong mga nakalipas na araw.
Ayon sa DOH, hindi kailangan na magsuot ng face mask kung wala namang ubo o sipon. Nag-abiso rin ang ahensiya na panatilihing maganda ang resistensiya ng katawan at hangga’t maaari ay umiwas sa mataong lugar.