BILANG pagdiriwang sa World Immunization Week na gaganapin sa Abril 24-30, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang mga local government units (LGUs) lalo na ang mga barangay na ipagpatuloy ang pagbibigay ng mga bakuna sa kabila ng krisis na dulot ng COVID-19.
Ayon kay Gatchalian, ang pagpapatuloy ng mga programa sa pagpapabakuna ay mahalagang hakbang upang maprotektahan ang kalusugan ng mga sanggol at mga kabataan. Kasabay nito ang mariing paalala ng senador na kailangang panatilihin ang social distancing at ibang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.
Nitong nakaraang taon, iniulat ng United Nations Children’s Fund o UNICEF na halos tatlong milyong (2.9) mga batang Flipino ang walang bakuna at nanganganib na magkaroon ng malulubha at nakamamatay na sakit. Matatandaang nagkaroon din ng polio at measles outbreak sa bansa noong 2019.
Patuloy naman ang pagbaba ng immunization rate sa bansa nitong mga nakaraang taon. Mula sa halos siyamnapung (88) porsiento noong 2013, bumaba sa lagpas pitumpung (73) porsiyento na lamang noong 2018 ang immunization rate sa bansa. Kabilang sa mga sanhi nito ang takot ng publiko sa bakuna, kalayuan ng ilang lugar, at kakulangan sa mga bakuna at trained workers.
“Ang pagpapabakuna sa mga sanggol ang isa sa mga una at pinakamahalagang hakbang upang pangalagaan ang kalusugan ng mga kabataan. Hindi natin dapat pabayaan ang pagpapabakuna ngunit dapat nating ‘tong gawin sa isang ligtas at mabisang paraan, lalo na’t patuloy ang banta ng COVID-19 sa ating bansa,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Ayon sa Department Circular 2020-0167 ng Department of Health, kailangang ipagpatuloy ang pagbibigay ng mga pangunahing bakuna sa mga bagong-panganak hanggang isang-taong gulang na mga sanggol. Para naman kay Gatchalian, mahalaga ang papel ng mga health centers sa barangay upang masigurong mas maraming sanggol ang nakakatanggap ng mga bakuna.
Sa ilalim ng Republic Act 10152 o ang “Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011,” ang mga pampublikong ospital at mga barangay health center ay dapat magbigay ng libreng bakuna para sa mga batang limang taong gulang pababa. Mandato naman ng Ex-panded Program on Immunization o EPI ang pagkakaroon sa bawat barangay ng kahit isang eksperto sa pagpapatupad ng Reaching Every Barangay o REB strategy. Layunin ng REB strategy na bigyan ng bakuna ang bawat sanggol, lalo na iyong mga nasa malalayong lugar.
Dahil hindi pa maaaring magsagawa ng mass immunization activities, iminungkahi ni Gatchalian ang pagkakaroon ng mobile services o out-reach activities, kung saan ang mga health workers ang pupunta sa mga komunidad at mga sanggol na nangangailangan ng bakuna.
Maliban sa mga kabataan, binigyang-diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapabakuna para sa mga senior citizens. VICKY CERVALES
Comments are closed.