NITONG Lunes, dumating na ang unang bugso ng bakuna ng Sinovac. Ang isa pang hinihintay nating delivery mula naman sa AstraZeneca ay hindi natuloy dahil daw sa logistics issues. Anuman ang dahilan, sana ay dumating na rin itong mga ito dahil sa totoo lang, mas mainam naman na mayroon ding isa pang uri ng bakuna para sa ating mamamayan.
Harapin natin ang katotohanan, marami sa mga kababayan natin ang may agam-agam sa mga bakuna kaya siguro, ibigay na rin natin sa kanila ang karapatang mamili ng bakunang nais nila o maging karapatan na huwag gawing sapilitan ang pagbabakuna.
At napag-uusapan na rin lang ito, muli nating naalala ang mga panukalang buksan na ang mga paaralan. Ang sabi kasi ni Pangulong Duterte, walang magbubukas na eskwela hanggang walang bakuna. Ngayon, may bakuna na, pero hindi naman nangangahulugan na puwede nang magbukas sa lalong madaling panahon.
Maging ang mga kasamahan natin sa Senado, pabor sa pagsisimula ng face-to-face classes sa ilang mahahalagang kondisyon.
Ang sa atin, panawagan natin sa DepEd, kung sisimulan na ang face-to-face classes, kung maaari ay magkaroon muna ng pilot implementation sa mga lugar na maikokonsiderang ligtas sa pagsambulat ng COVID.
Ang ibig nating sabihin, gawin ito sa isa o dalawang probinsya na siguradong may maingalan-ngilang kaso lang ng COVID-19.
Isa ring mahalagang aspeto, dapat ay may maayos na health system ang mga lugar na ito tulad ng sapat na ospital na may kakayanang tugunan ang COVID cases mula sa isolation hanggang sa pag-gamot.
Lahat po ng komplikadong bagay, bago natin isakatuparan, dapat talagang isailalim muna sa masusing pag-aaral para sa bandang huli, wala tayong pagsisisihan.
May ilang kaso sa iba’t ibang bansa na agad nagbukas ang mga klase mula sa ilang buwang lockdown. Ang re-sulta, nagkaroon ng super spreader events at malaking bahagi niyan ay ang pagpapatupad ng face-to-face classes.
Pabor po tayo na ibalik na sa normal na sistema ang klase ng mga mag-aaral dahil mas natututukan nila ang pag-aaral. Ang sa atin lang, mas mahalaga pa rin ang kanilang kalusugan sa panahong ito. Ang mga bata po kasi, hindi mo maiaalis sa kanila na maging malapit sa isa’t isa, lalo ngayong matagal silang hindi nagkita-kita. Kaya’t malaki ang posibilidad na magkaroon ng hawahan.
Muli, pabor po tayo na maibalk sa normal ang pag-aaral ng mga estudyante, pero mas mahalaga po sa ating pananaw ang kalusugan, bilang tayo po ay isa ring magulang.
Comments are closed.