CAVITE- BAGAMAN putol ang kanang kamay ay hindi ito naging hadlang upang tuparin niya ang kanyang pangarap at harapin ang magagandang kaganapan sa buhay.
Ito ang naging panuntunan sa buhay ng 26-anyos na welder na si Peter John Oliva, tubong Brgy. Sapa 2, Rosario, Cavite.
Taong 2005 nang maganap ang malagim na pangyayari sa kanyang buhay kung saan 9-anyos pa lamang siya ng panahong iyon.
Ibabara na sana nila ng kanyang ama ang bangka buhat sa pamamalakaya. Inihagis na ang angkla bilang hudyat ng pagtigil ng bangka subalit pumulupot sa kanang kamay ni Peter ang lubid.
At sa bilis ng pangyayari ay hindi na niya namalayan na putol na pala ang kanyang kanang kamay.
Isang bangungot sa mulat na katotohanan sa nangyaring aksidente.
Lakas ng loob at tibay ng pangarap ang nagtutulak sa kanya para suungin ang lahat.
Nag-aral siya ng dalawang taon sa Perpetual College sa kursong BS Education.
Subalit dahil sa hirap ng buhay ay hindi na niya natapos ang kanyang pag-aaral.
Kumuha ng vocational sa kursong welder na ngayon ay Certified NC-II na siya.
Dito nag-umpisa ang kanyang magandang buhay.
Kilala si Peter sa kanyang barangay bilang isang magaling na welder.
Dinarayo ng mga tao ang kanyang welding shop, napapahanga niya ang mga tao sa liksi at husay niyang kumilos pagdating sa pagwewelding sa kabila na putol ang kanyang kanang kamay.
Siya rin ang lider ng samahan ng mga PWD sa kanyang barangay.
Ang biyahe ng buhay kadalasan ay banayad at pausad-usad lang pero kung minsan ito ay masalimuot at may lubak.
Ang masaklap ang biyahe ng buhay ni Peter ay nag-iwan ng bakas na kailanman ay hindi niya malilimutan.
Haharapin ang bagong umaga na punung-puno ng tiwala at pag-asa kasama ang pananampalataya sa Dakilang Maylikha. SID SAMANIEGO