(Kahit putol ang kaliwang paa) TODO KAYOD SA PAMAMASADA PARA SA KANYANG MAG-INA

“TULOY lang ang laban sa buhay. Harapin ang bawat hamon at pagkakataon. Kumayod at maitaguyod ng marangal ang buhay ng aking pamilya”.

Ito ang naging panuntunan sa buhay ng 26-anyos na si John Loyd Martines Valles, may asawa at isang anak na kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Sapa 1, Rosario, Cavite.

Ang biyahe ng buhay kadalasan ay banayad at maayos, subalit kung minsan ito ay malubak at masalimuot.

Ang masaklap ang biyahe ng buhay ay nauuwi sa isang trahedya.

Enero 15 taong kasalukuyan, habang namamasada ng kanyang tricycle at binabaybay ang kahabaan ng Centenial Road sa bayan ng Kawit, Cavite ay naaksidente si John Loyd ng isang dump truck na naging dahilan nang pagkakaputol ng kanyang kaliwang paa.

Limang taon bago maganap ang malagim na trahedya sa buhay ni John Loyd, masaya siyang namamasada ng tricycle na biyaheng Sapa-Epza. Madalas kasama niya ang asawang si Crisann Valles.

Kumikita ito ng P500 hanggang P800 kada araw .

Tanging sa pamamasada ng tricycle lamang niya binubuhay ang kanyang pamilya.

“Naniniwala ako sa tadhana ng buhay. Ito marahil ang libro ng aking pagkatao. Alam kong may mga dahilan kung bakit ako patuloy na naririto sa mundong ibabaw. Mahal ako ng Diyos. Tunay ngang kay buti-buti ng ating Panginoon…”, madamdaming kuwento ni John Loyd.

Hindi naging hadlang ang kawalan ng kaliwang paa ni John Loyd upang maipagpatuloy niya ang pamamasada ng tricycle. Ang kambyo na madalas makita sa kaliwang bahagi ay taliwas sa kanyang sariling tricycle. Inilagay niya ito sa kanang bahagi na nasa unahang bahagi ng preno. Sa kaparaanang ito ay tila nagiging normal lamang ang paraan ng kanyang pamamasada.

“Huwag siyang panghinaan ng loob. Huwag niyang isipin na kulang siya. Ang mahalaga ay buhay siya at nandito lamang kami na mag-ina niya”, mensahe ni Crisann sa kanyang asawa.

Inspirasyong maituturing ang buhay ni John Loyd. Hindi niya sinukuan ang malaking dagok sa kanyang buhay. Bagkus ay lalo pa niyang pinagtibay ang hamon ng bawat pagkakataon.

Ang lakas ng loob at tibay ng pangarap ang sandalan niya upang ipagpatuloy ang matatag at masayang pamilya.
SID SAMANIEGO