(Kahit sunod-sunod ang rolbak sa presyo ng langis) WALANG BAWAS PASAHE

langis

WALANG magaganap  na rolbak sa pamasahe sa jeep at mananati­ling sampung piso ang minimum fare sa likod ng bigtime oil price roll-back na ipinatupad ng oil companies.

Nanindigan ang i­lang transport groups sa kanilang pagsalungat sa mga panawagang ibalik sa P8.00 ang pasahe ng jeep sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon kasabay ng sunod sunod na rolbak sa presyo ng petrolyo.

Wala umanong katiyakan kung hanggang kailan  magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng petrolyo  kaya mananatili  sa sampung piso ang mi­nimum na pasahe sa jeep.

Ayon kay Zeny Maranan, tagapangulo ng  Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations of the Philippines (Fedjodap), hindi ramdam ng kanilang hanay ang magkakasunod na rolback sa langis ka­makailan.

Lumalabas sa kanilang pag-iikot na hindi lahat ng gas stations ay pantay ang presyo ng pagbebenta ng kanilang produkto.

Ngayong Martes ay muling nagpatupad ng mahigit dalawang pisong kaltas sa presyo ng diesel ang mga gasolinahan.

Sa pahayag naman ni Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) chairman Efren De Luna ay malabong maaprubahan agad ang panukala.

Wala raw kasing katiyakan na pangmatagalan na ang pagmura ng langis sa world market.

Kaugnay nito ay tiniyak ng mga transport leader na sila mismo ang kakabig sa P2 increase kapag tuluyan nang naglaro sa P37 hanggang P39 ang presyo ng mga produktong petrolyo, ayon kay Pasang Masda president Obet Martin.

Oktubre 17 nang aprubahan  ng LTFRB ang petisyon ng mga transport organization na  magiging P10 na ang pasahe sa jeep simula sa u­nang araw ng Nobyembre.

Dalawang piso ang hiling na dagdag kaya mula P8.00 ay naging P10.00 na ang minimum na pasahe.

Hulyo nang gawing  P9.00 ang minimum na pasahe dahil sa pisong  provisional fare increase o pansamantalang dagdag sa pamasahe mula sa da­ting P8.00.

At dahil inaprubahan ang petisyon na P2.00 dagdag ay wala nang bisa ang provisional increase.   VERLIN RUIZ

Comments are closed.