WALANG paligsahan, walang nauuna at nahuhuli sa pagtatapos ng pag-aaral at tunay ring walang kahirapan ang makakahadlang sa pagkamit nito.
Ito ang pinatunayan ni Jesus Fuentes, isang ama mula sa Barangay Labangon, Cebu City na pinagsasabay ang paglalako at pagtitinda ng chicharon para sa binubuhay na pamilya at maipangtustos sa pag-aaral at ngayo’y magtatapos na sa kanyang bachelor degree sa edad na 41-anyos.
Matapos ang hindi na mabilang na mga pinagdadaanang hamon at hindi pagsuko sa pangarap, kahit pa maraming hindi naniwala sa kanyang kakayanan ay nasungkit niya na ang tagumpay sa pinagsisikapang diploma sa kursong Bachelor of Elementary Education mula sa Talisay City College.
Aminado siyang hindi naging madali para sa kanya ang ipagpatuloy pa ang naudlot niyang pangarap, nagtapos siya ng high school sa edad na 22 at nagka-asawa sa sumunod na taon hanggang makabuo ng isang pamilya at binubuhay ang 4 nilang anak.
Nakatira lamang sila sa isang pinagtagpi-tagping bahay kaya’t isinantabi muna ang pangarap na magpatuloy ng pag-aaral upang mapunan ang pangangailangan ng pamilya, nagtatrabaho siya sa isang gasolinahan at merchandiser sa isang tindahan.
Kahit pa sa hirap ng pamumuhay nilang pamilya at sa responsibilidad niya bilang haligi ng tahanan ay hindi niya ibinaon sa limot ang pangarap.
Sa edad na 38-anyos, suntok sa buwan ang desisyon niyang magpatuloy ng kolehiyo.
Mahirap umano sa kanya dahil maging ang kanyang sariling asawa ay hindi siya suportado noong una sa pag-abot ng kanyang pangarap na aniya’y para lang din naman ang lahat ng ito sa kanila.
Dala-dala hindi lang ang gamit sa eskwela pati ang kanyang mga panindang chicharon ay bitbit niya araw-araw upang maialok niya sa tao pagpasok sa klase at sa classmates at mga guro niya.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Tatay Jesus kung paano niya nakayanan at nalagpasan ang lahat ng mga pinagdaanang paghihirap sa apat na taon na pag-aaral at paghahanapbuhay para sa mga anak.
RUBEN FUENTES