(Kahit tapos na ang SEAG) ARMAS BAWAL PA RING ILABAS – PNP

pnp

CAMP CRAME – MULING nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko, lalo na ang mga gun owner na suspendido pa rin ang Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) sa Central Luzon, Calabarzon, Metro Manila, at lalawigan ng La Union.

Ito ay bahagi pa rin ng inilalatag na seguridad sa 30th Southeast Asian Games na natapos noong Disyembre 11.

Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Bernard Banac, ang hakbang  kasama sa security protocol na pinairal ng PNP sa katatapos na sporting event.

Pahayag naman ni PNP OIC PLt. Gen. Archie Francisco Gamboa, kahit tapos na ang palaro ay hindi pa rin nagtatapos ang misyon ng PNP na pangalagaan ang seguridad ng mga dayuhang bisita hanggang sa makaalis sa bansa ang mga ito.

Inalerto rin ni Gamboa ang mga pulis na i-secure ang iba pang mga dayuhang bisita na inaasahang mag-extend ng kanilang pamamalagi sa bansa para mamasyal.

Nakipag-coordinate na aniya sa PNP ang mga protocol officers ng iba’t ibang mga dayuhang de­legasyon na may mga miyembrong nais bumisita sa ibang lugar sa bansa.

Magugunitang ipinatupad ang liquor at gun ban sa mga piling lugar o venue ng SEA Games simula Nobyembre 20 at magtatapos sa Disyembre 14 o sa Sabado.

Naging mahigpit din ang seguridad sa kasagsagan ng international event gaya ng paggamit ng backpack sa mga dumalo sa nasabing palaro. EUNICE C.

Comments are closed.