WALANG planong bawiin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, chairman ng National Task Force Against COVID-19 ang pahayag na hindi na palalawigin pa ang modified enhanced community quarantine na umiiral ngarial
tro Manila at ilang karatig lalawigan.
Positibo si Lorenzana na posibleng bumaba na ang bilang ng may COVID-19 sa susunod na limang araw at tuluyan nang luluwagan ang umiiral na community lockdown.
Nauna rito, sinabi ng kalihim noong linggo na kung bababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 ay maari nang ibaba sa GCQ ang ipinaiiral ngayon na MECQ base sa naitalang 3,000 bagong kaso kumpara sa anim na libo na naitala ng mga nakaraang araw.
Subalit, nitong Lunes ay naitala ang single highest increase ng COVID-19 case na 6,958 kung saan tinuturing ang Pilipinas na highest number of cases sa Southeast Asia.
Gayunpaman, sa mensahe na ipinadala ni Lorenzana, nilinaw nito na hindi nagbago ang kanyang posisyon na maari nang luwagan ang galaw ng publiko kung bababa ang bilang ng mga bagong kaso at posibleng magbalik trabaho na ang maraming mamamayan lalo na sa kalakhang Maynila.
Umaasa pa rin ang NTF chairman na sa loob ng limang araw bago matapos ang MECQ maaring pang patunayan na tama ang kanyang orihinal na pagtataya na bababa ang mga bagong kaso ng Covid-19.
“I think we are ready to go down,” ani Lorenzana.
“Hindi puwedeng lockdown na lang tayo nang lockdown dahil baka mas maraming mamatay sa gutom kaysa sa COVID kung walang trabaho ang mga tao,” dagdag pa ng kalihim. VERLIN RUIZ
Comments are closed.