Isa sa pinakamahirap na leksyon sa buhay ng taong kailangan nating tanggapin sa ayaw natin at sa gusto ay ang walang katapusang pangangailangan natin para mag-survive, kahit gaano pa tayo ka-broken sa kaloob-looban ng ating puso.
Walang halaga kung may masakit sa ating puso, o kung nagluluksa tayo dahil sa pagkawala ng isang minamahal, asawa man, magulang, best friend o kung sino pa mang malapit sa puso mo — kahit pa nagdurugo ang puso mo dahil dito.
Minsan, nakakapagod din. Minsan, ni ayaw mo nang bumangon sa higaan para hindi mo na harapin ang katotohanan.
Ang buhay, kung minsan, ni hindi man lamang tayo payagang makahinga sandali para magmuni-muni. Yun bang kahit paano, matanggap mo muna sa sarili no kung ano nga ba talaga ang nangyayari. Tuluy-tuloy lang talaga ang buhay — hindi ka niya hihintayin. Kaya wala kang pagpipilian kundi magpatuloy din sa buhay kahit nahihirapan ka o nasasaktan ka, o kahit pa lahat ng bahagi ng katawan mo ay gustong magsisigaw na kailangan mo ng pahinga kahit sandali lang.
Ngunit ang mas mahirap pa, ay kung mare-realize mong hindi ka pa handa sa mga bagay na ito. Lumaki tayong lahat sa paniniwalang kung maalwan ang buhay, iyan ang happy endings. Sa huli, sasampalin tayo ng malupit na katotohanang ang ibig palang sabihin ng survival ay pagkukunwaring okay ka kahit hindi ka naman talaga okay.
At siguro, ang pinakamahirap na bahagi ng buhay ay hindi ang surviving lamang, kundi ang tahimik na makipaglaban sa buhay na hindi mo ipinakikitang napakabigat pala ng iyong dinadala. At sa lahat ng ito, sa lahat ng sakit at pagsubok, nakakatagpo tayo ng lakas na hindi mo alam na meron ka pala, dahil sa kabila ng bigat, kailangan mo pa ring mag-move on.
Ang artikulong ito ay para sa lahat ng kaanak at kaibigan nating nawala na sa mundong ito sa nagdaang ilang taon. Para rin ito sa realization na dapat pala, habang buhay pa ang ating minamahal, magbigay tayo ng oras para sa kanila kahit gaano pa tayo kaabala sa sarili nating buhay.
Totoong napakaikli ng buhay. Kahit pa nahihirapan tayo o nagpupumili na mag-survive, hindi ibig sabihin nitong hindi na tayo pwedeng maging masaya. Lagi namang may paraan para tayo maging masaya — kahit wala na siya.
RONIE FERNANDO