(Kahit walang ceasefire) MAGBABALIK-LOOB NA NPA TATANGGAPIN

debold sinas

TINIYAK ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Debold Sinas na bukas ang organisasyon sa pagbabalik-loob ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Ginawa ni Sinas ang pahayag sa gitna ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang ceasefire na ipatutupad ngayong holiday season.

Nauna nang iniulat ni Police Regional Office (PRO) 8 Regional Director Brig Gen. Ronaldo De Jesus na sumuko ang isang NPA sa Leyte na kinilala Lang sa alyas na “Arman”.

Ayon kay De Jesus, kasamang isinuko ni Arman ang isang German-made sniper rifle sa 2nd Provincial Mobile Force Company at Intelligence Unit ng Leyte Police Provincial Office.

Batay sa records ng PNP, si Arman ay kasama sa mga NPA na umatake sa PNOC Power Plant sa Brgy Milagro, Ormoc City kung saan napatay ang dalawang pulis at tatlong sibilyan noong 2004.

Sangkot din umano ito sa pagpatay ng tatlong pulis ng Villaba Municipal Police Station sa magkakahiwalay na okasyon at raid sa Aznar Ranch sa Tabango, Leyte noon ding taong iyon.

Ayon kay Arman, na-enganyo siyang sumuko nang malaman niya na namumuhay na ng tahimik sa piling ng kanilang mga pamilya ang kanyang mga dating kasamahan na una nang sumuko.

Tiniyak naman ni De Jesus na pinoproseso na ng PRO-8 ang pagkakaloob ng mga benepisyo kay Arman sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan. EUNICE CELARIO

Comments are closed.