SIGURADONG magpa-”party-party” ang mga tomador sa Valenzuela City dahil ipawawalang-bisa na sa Oktubre 15 ang ‘Stay Sober Ordinance’ na pagbabawal sa pagbebenta, pagbili at pag-inom ng alak sa lungsod.
Gayunpaman, tiyak na maninibago ang maraming lasenggo dahil mahigpit nang ipinagbabawal ang pagtagay o paghihiraman ng baso kapalit sa ipatutupad na Liquor Regulation During Pandemic Ordinance.
Ayon sa nasabing ordinansa, kung iinom ng alak ay dapat na siguruhing nasusunod ang health and safety protocols na ipinatutupad sa lungsod.
Bawal rin ang pagbebenta ng alak tuwing curfew hours ng lungsod na tumatagal mula 10 pm hanggang 5 am.
Hindi rin dapat bentahan ng alak ang mga menor-de-edad at buntis.
Bawal pa rin ang pagtoma sa mga pampublikong lugar at puwede lamang uminom ng alak sa mga tahanan o mga pribado/komersiyal na establisyemento gaya ng mga restaurant.
Ang mga senglot o kahit nakainom lang ay hindi rin dapat na lumaboy pa sa kalye.
Nakasaad din sa ordinansa na hanggang sa apat na bote ng serbesa ang maaring ibenta sa isang indibidwal sa mga restaurant at retail store kada araw at hanggang isang bote lang ng hard drinks gaya ng brandy at whiskey ang puwedeng ibenta kada tao bawat araw at ganoon din ang panuntunan sa wine.
Sampung case naman ng serbesa ang puwedeng ibenta sa mga wholesaler, grocery store at dealer at dalawang kahon naman kapag hard drinks.
Hindi rin pwedeng paghalu-haluin ang iinumin dahil isang klase lamang ng nakalalasing na inumin ang maaaring ibenta sa isang indibidwal kada araw.
Maging ang videoke at acoustic live bands sa mga restobar at katulad na establisyemento ay ibinawal na rin.
Ang mga lalabag sa ordinansa ay papatawan ng karampatang parusa at maaaring matanggalan ng business permit ang mga lalabag na establisimiyento. EVELYN GARCIA
Comments are closed.