KAHULUGAN NG KALAYAAN SA BUHAY, SURIIN

Bishop Oscar Jaime Florencio

HINAMON ng isang Catholic bishop ang mga mamamayan na suriin ang bawat isa kung ano ba ang tunay na kahulugan ng kalayaan sa kanilang buhay.

Ang pahayag ni Military Bishop Oscar Jaime Florencio, pinuno ng Military Ordinariate of the Philippines kasabay nang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa bansa nitong Miyerkoles.

Ayon kay Florencio, mahalagang maunawaan ng tao ang ibig sabihin ng naturang pagdiriwang.

Naniniwala ang Obispo na ang tunay na kalayaan ay ang kahandaan ng bawat isa sa pagli­lingkod sa kapwa at pagkalinga sa pangangaila­ngan ng iba.

“I believe that the real independence is that we have to liberate from individualism and personalistic interest because the real independence is actually for the others,” ani Florencio sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Binigyang-diin ng obispo na ang kahalagahan ng pakikipagkapwa-tao ay nakikita kung hindi magiging makasarili at tinatalikuran ang tungkulin sa kapwa.

Ayon pa sa Obispo, kung malaya ang tao sa pagkamakasarili ay tuwinang makamtan ang tunay na kalayaan dahil mas lalawak ang pagtingin sa paligid na nakahandang makihalubilo sa pamayanan at tugunan ang pangangailangan ng kapwa.

Ipinaalala din ni Florencio sa lahat na manatiling kumapit sa Panginoon dahil si Hesus ang konkretong halimbawa sa pagiging tunay na malaya nang isinugo ito ng Diyos Ama na makipamuhay sa mga tao at nagbata ng paghihirap sa ikatutubos ng sanlibutan.

“Jesus free himself order to be one with us and to be able to serve the common good,” aniya pa.

Umaasa pa ang pinuno ng Military Diocese na tulungan ng Panginoon ang bawat isa na tanggapin ang tungkulin na ang tao ay nabubuhay hindi para sa sarili kundi para sa kapwa.

“Sana ang Panginoon ay tulungan tayo, bigyan tayo ng kanyang biyaya so that all of us will be working for the greater good and for the common good,” saad ng Obispo.   ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.