KAHUSAYAN NINA PBBM AT SPEAKER MARTIN SA PAGTUGON SA EL NIÑO

SA GITNA ng matinding epekto ng El Niño sa rehiyon ng Cagayan Valley, muling ipinakita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang malasakit sa mga magsasaka, mangingisda, at mga pamilyang apektado ng tagtuyot.

Sa isang programa sa Ilagan City Community Center nitong Lunes, Hunyo 10, personal na nag-abot ng tulong ang Pangulo sa mga komunidad na labis na naapektuhan ng kalamidad na ito.

Hindi matatawaran ang dedikasyon ng administrasyon sa pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong komunidad. Kasama sa mga ipinamahaging tulong ang mga makinaryang pangsaka at pangingisda, kagamitan, at mga tool kit mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

Tugma ito sa layunin ng administrasyon na palakasin ang sektor ng agrikultura sa ilalim ng ‘Bagong Pilipinas’ vision ni Pangulong Marcos.

Bukod dito, pinangunahan din ng Pangulo ang seremonyal na pamamahagi ng tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng PhP10,000 sa bawat isa sa 10 benepisyaryo mula sa mga lalawigan ng Isabela, Cagayan, Nueva Vizcaya, at Quirino.

Hindi lamang ito, nagbigay rin ng PhP50 milyon sa mga pamahalaang panlalawigan ng Isabela, Cagayan, at Nueva Vizcaya, PhP10 milyon sa pamahalaang panlalawigan ng Batanes, at PhP30.92 milyon sa pamahalaang panlalawigan ng Quirino.

Hindi rin magpapahuli ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno sa pagbibigay ng tulong. Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), at ang Office of House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay aktibo ring nakiisa sa pamamahagi ng iba’t ibang uri ng tulong. Ang kanilang pakikiisa ay nagpapakita ng pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang sangay ng gobyerno para sa kapakanan ng mamamayan.

Patunay lamang ito na sa ilalim ng liderato nina Pangulong Marcos Jr. at Speaker Martin Romualdez, ang pangarap na Bagong Pilipinas ay hindi lamang isang pangarap, kundi isang realidad na unti-unting natutupad para sa lahat ng Pilipino.

Samantala, sa pakikipagtulungan ng House of Representatives ng Pilipinas at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, ginanap ang makasaysayang groundbreaking ng 20-palapag na Bicol Regional Hospital and Medical Center Legacy Building sa Legazpi City, Albay.

Ang proyekto na ito ay isang malaking hakbang tungo sa mas maunlad na sistema ng kalusugan sa bansa, alinsunod sa pangarap ni Pangulong Marcos Jr. na magkaroon ng de-kalidad at world-class na mga ospital na hindi lamang sa

Metro Manila kundi pati na rin sa mga probinsya.

Sa ilalim ng liderato ni Speaker Romualdez, ang Kongreso ay nagsusumikap na isakatuparan ang direktiba ng Pangulo na tiyakin na maramdaman ng ating mga kababayan sa probinsya ang kalinga at alaga mula sa mga world-class na doktor at nurses na kanilang sasanayin at bibigyan ng kinakailangang suporta.

Ang pagtatayo ng mga modernong pasilidad tulad ng Bicol Regional Hospital ay magbibigay ng mas mataas na antas ng serbisyong medikal sa mga kababayan natin sa Albay at karatig na lugar.

Ngunit hindi natatapos dito ang malasakit ng pamahalaan. Kamakailan lamang ay binisita ng mga kinatawan ng Kongreso, kasama si Speaker Romualdez, ang Tagum City sa Davao del Norte. Dito isinagawa ang ika-19 na Serbisyo Caravan ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, kung saan mahigit 250,000 kababayan natin ang nabigyan ng iba’t ibang programa at serbisyo.