KAI SOTTO DARATING SA SUSUNOD NA LINGGO

Kai Sotto

NAKATAKDANG dumating si Kai Sotto, ang 7-foot-3 center na naglalaro para sa Adelaide 36ers sa NBL Australia, sa susunod na linggo, August 18.

Darating naman si NBA star Jordan Clarkson sa bansa pagkalipas ng isang araw, na magbibigay sa kanila ng ilang araw para makapag-adjust sa sistema ng Gilas Pilipinas team na naghahanda para sa nalalapit na FIBA World Cup Asian Qualifier fourth window.

“Mauuna si Sotto on the 18th while Clarkson will be on the 19th,” pahayag ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) spokesperson Sonny Barrios sa ABS-CBN News.

Nakatakdang umalis ang Gilas Pilipinas patungong Beirut sa August 21 kung saan makakasagupa nito ang Lebanon sa August 25, alas-9 ng gabi (August 26, 2 a.m. sa Manila) at ang Saudi Arabia sa August 29, 7 p.m. sa Manila.

Makakasama nina Sotto at Clarkson sa Gilas pool na sasabak sa fourth window ng World Cup Asian Qualifier sina Kiefer at Thirdy Ravena, Ray Parks, at Dwight Ramos, na pawang naglalaro sa Japan B. League; UAAP players Carl Tamayo, LeBron Lopez at Kevin Quiambao; at ilang PBA players na pangangalanan ng SBP matapos ang semifinals ng PBA Philippine Cup.

“We are glad to have Kai into the Gilas fold and thank him for his proactive response to play for flag and country for the August Qualifiers,” dagdag ni Barrios.