KAI SOTTO ‘DI NAKUHA SA 2022 NBA DRAFT

WALANG kumuhang koponan kay Filipino sensation Kai Sotto sa 2022 NBA Draft na idinaos kahapon.

Ang 20-year old 7-foot-1 bigman sana ang unang homegrown Filipino na makapaglalaro sa NBA ngunit matapos ang dalawang rounds ng rookie draft ay hindi natawag ang kanyang pangalan.

May 58 players ang napili sa annual rookie selection event.

Gayunman ay hindi pa ito ang katapusan ng paglalakbay ni Sotto sa NBA.

Maaari pa siyang makapaglaro sa mga koponan na magkakainteres sa kanya bilang undrafted player.

Ang ilang aktibong NBA players na hindi nakuha sa draft ay kinabibilangan nina Christian Wood, Fred VanVleet, at Seth Curry.

Ginugol ni Sotto ang nakalipas na taon sa paglalaro sa Australia para sa Adelaide 36ers sa National Basketball League.

Si Sotto ay nagkaroon ng pre-draft workouts sa ilang NBA teams tulad ng Orlando Magic, Atlanta Hawks, Sacramento Kings, Cleveland Cavaliers, at Indiana Pacers.

May ilang opsyon din si Sotto para maipagpatuloy ang kanyang batang hoops journey.

Bilang isang unrestricted free agent, maaari siyang maglaro sa NBA G League kung saan maraming koponan ang may affiliate squads sa NBA.

Ang Golden State Warriors, ang 2022 NBA champions, ay maraming players na NBA G League alumni tulad nina Jordan Poole, Gary Payton II, James Wiseman, Jonathan Kuminga, Juan Toscano-Anderson, at Moses Moody.

Maaari ring bumalik si Sotto at pumirma ng isa pang taon sa Adelaide 36ers o tanggapin ang alok ng ibang NBL teams. Ang Australian basketball league ay nakapagpadala na ng players sa NBA gaya nina like LaMelo Ball, Josh Giddey, Patty Mills, at Joe Ingles.