KAIBAHAN NG HATID TULONG INITIATIVES AT BP2 PROGRAM IPINALIWANAG  NI SEN. GO

Bong go

IPINALIWANAG ni Senador Christopher Bong Go ang kaibahan ng  Hatid Tulong  initiatives at Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa (BP2) program ng  gob­yerno.

Nilinaw ni Go, sa ilalim ng  BP2 program na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 114 , binubuo ito ng  council na mula sa 17 ahensiya ng pamahalaan na kung saan ay mayroon short-term at long term.

“Ito pong Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program, pinirmahan na po ni Pangulong Rodrigo Duterte ‘yung EO nito (creating a council) composed of more than seventeen departments. Meron po itong short-term at long-term. ‘Yung short-term, papauuwiin sa probinsiya, bibigyan ng tulong, pangkabuha­yan, trabaho,”diin in Go.

“Yung long-term naman, paplanuhin ang probinsiyang uuwian nila na bibigyan ng insentibo ‘yung mga negosyo para doon na mag-invest, para kung may negosyo roon, meron silang trabaho. Ito po ‘yung Balik Pro­binsya,” paglilinaw ng senador.

Binigyang diin ng senador, sa ngayon ay suspendido  ang BP2 dahil inatasan ni Pangulong  Duterte na iuwi muna ang mga stranded  tulad ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) at iba pang Locally Stranded Individuals (LSIs).

“Iba naman ang Hatid Tulong initiatives na para sa OFWs, LSIs at iba pang apektadong Pilipino na naipit dahil sa community quarantine measures at kailangang matulungang makauwi sa kanilang probinsya,” ani Go.

Gayunpaman, sinabi pa ng senador na itutuloy lang ang  BP2 program kapag handa na ang mga local government unit (LGU) na tanggapin ang mga benepisyaryo.

Samantala, pinaalalahanan din ni Go ang Inter-Agency Task Force  na tutukan ang mga hindi awtorisadong biyahe na hindi sumusunod sa health protocols upang maiwasan  ang pagka­kahawa-hawa ng CO­VID-19.

Dagdag pa nito, patuloy din ang pagtulong  ng pamahalaan  sa mga uuwing OFWs. VICKY CERVALES

Comments are closed.