KAILAN TAYO MAGIGING MALAYA SA MALARYA?

HANGGANG ngayon, hindi pa rin malaya ang Pilipinas mula sa malarya, isang malubhang sakit na dala ng mga kagat ng lamok.

Hindi maitatanggi na ito ay laganap sa maraming bahagi ng mundo.

Sa katunayan, malarya ang nangungunang sanhi ng pagkamatay, pagkakasakit, at mahinang paglaki ng mga bata sa sub-Saharan Africa.

Mantakin n’yo, ayon sa mga dalubhasa, aba’y tinatayang may batang namamatay bawat 30 segundo sa lugar na iyon dahil sa malarya.

Matindi nga ang parasitikong dala ng karamdamang ito.

Sa pamamagitan ng kagat ng lamok na ‘anopheles’, kumakalat ang malarya dulot ng parasitikong ‘plasmodium’ sa katawan ng bawat taong madapuan.

Kasama sa mga sintomas ng sakit ay ang pagsakit ng ulo, mataas na lagnat, pagsusuka, pagtatae, panginginig at mala-trangkasong sakit.

Mabilis na lumalala ang malarya na maaaring humantong sa pagka-coma o pagkamatay ng may sakit, lalo na sa mga bata.

Dahil hindi ganoon kalakas ang katawan ng mga batang may edad na lima pababa, sila ang mas madaling kapitan ng malarya.

Batay sa rekord ng World Health Organization (WHO), nasa 228 milyong tao ang tinamaan ng malarya sa buong mundo noong 2018.

Sa bilang na ito, tinatayang 405,000 ang namatay na karamihan ay mula sa mga pinaka-mahihirap na lugar sa Africa.

Mahirap sugpuin ang malarya kaya maraming biktima ang nagdusa sa kakulangan ng badyet pang-medikal para tugunan ang paglaganap ng sakit.

Ito ang pinaniniwalaang dahilan kung bakit hindi naaagapan o napipigilan ang pagkalat o kaya’y pagputol sa siklo ng kahirapan at kamatayan sa hanay ng mga apektadong lugar.

Sinasabing ang 70% ng kaso ng malarya sa Pilipinas ay dulot ng ‘plasmodium falciparum’ na kapag hindi naagapan ay nauuwi sa kamatayan.

Subalit inamin ng bagong talagang Department of Health (DOH) Secretary na si Dr. Teodoro “Ted” Herbosa na posibleng sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon ay maidedeklara na ring malaria-free ang bansa.

Isiniwalat ni Herbosa na sa ngayon daw ay Palawan na lamang ang natitirang lugar sa bansa na mayroong kaso ng malarya.

Sa urban areas naman ng probinsya ay wala nang kaso ng sakit na naitala.

Sa inilabas na DOH Circular, ang isang lugar ay maidedeklara lamang na malaria-free kung wala nang naitatalang malaria cases sa loob ng limang taon.

Ang mga lalawigan daw ng Aurora, Cotabato, Oriental Mindoro at buong Region 4A o CALABARZON (Cavite,

Laguna, Batangas, Rizal, and Quezon) ay deklarado nang malaria-free.

Tunay na mabagsik at mapamuksa ang karamdamang ito.

Sa mga hindi pa nakakaalam, iginupo rin ng malarya ang Filipino journalist na si Reyster Langit, anak ni veteran broadcaster Rey Langit.

Gayunman, maaaring maagapan ang pagkakaroon nito at maging ang kamatayan.

May mga naimbento nang gamot at bakuna laban sa malarya.

Nakabibilib din ang pagdodoble-kayod ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pamamagitan ng DOH, para puksain ang namamatay na sakit na ito.

Sa kabilang banda, hindi naman masama kung daragdagan natin ang pag-iingat laban dito.

Mas maigi ring gumamit ng mosquito repellant at iba pang mga kagamitang makapagtataas ng tsansa sa pagpapalayo ng mga lamok.