KAILANGAN BA NATING GUMASTOS AGAD PARA SA TERMINAL NG NATURAL GAS?

Magkape Muna Tayo Ulit

PARA matugunan ang nakaambang problema tungkol sa nalalapit na pagreretiro ng Malampaya Gas Field, tila nagkukumahog ang mga imbestor o mamumuhunan at ang gobyerno natin sa pagtatayo ng liquified natural gas (LNG) import facility rito sa bansa. Kung sakaling matuloy, ito ang magsisilbing terminal ng natural gas sa buong Southeast Asia. Sa unang tingin, maganda naman ang intensiyon sa pagsusulong ng nasabing malaking proyekto. Subalit kailangan pa rin nating suriin ang tunay na sitwasyon. Tinataya kasi na hanggang 2024 na lamang ang Malampaya Gas Field. Ngunit ayon sa operator ng nasabing planta, kaya pa pala nitong tumagal hanggang  2026 o baka  hanggang 2029 pa nga.

Sa paglilinaw ni Shell President and CEO Cesar G. Romero, ang potensiyal na maaring ­itagal ng Malampaya Gas Field ay base sa posibilidad na baka sa pagdating ng panahon na iyon ay wala pang nadidiskubre na panibagong gas field.

“The life of Malampaya is anywhere between 2026 and 2029,” sabi ni Romero. Hindi maibibigay ng Shell ang eksaktong petsa o taon kung kailan magsisimula ang pagbaba ng produksiyon ng natural gas o kung kailan ito tuluyang mawawala. Mahirap din daw na piliting humataw ng operasyon ang planta dahil mas lalong bibilis ang buhay nito.

Isa lang ang mali­naw, mas mahaba pa pala sa 2024 ang magi­ging buhay ng Malampaya. Sa pagtatapos ng kontrata ng operator nito ay umaasa sila na may madidiskubre na bagong gas field sa bansa na papalit sa Malampaya Gas Field.

Sa madaling salita, may oras pa ang ating gobyerno upang suriin at pag-isipang mabuti ang magiging mga susunod na hakbang at aksiyon ukol sa isyung ito.

Marahil ay huwag muna tayo agad magdesisyon na itulak o umpisahan ang proyektong LNG import terminal dahil malaking gastusin din ito. Ang pag-aangkat ng natural gas ay hindi ganoon kasimple. Ito ay isang masalimuot na proseso. Masalimuot na… magastos pa!

Alam n’yo ba na mula sa bansang pagkukunan, kailangang i-freeze ang natural gas at ibibiyahe ito gamit ang isang specialized at heavy duty na uri ng barko? Pagdating naman sa bansang nag-angkat nito, dadaan ito sa pro­seso ng regasification. Siyempre, kailangan may regasification facility. Ito ang mga haharapin natin na panga­ngailangan kung sakaling magdesisyon ang ating gobyerno na magtayo ng Natural Gas Facility o terminal. Malaking gastusin muli ito. Hindi pa nga klaro kung kasama ito sa “build build build” na programa ni Pangulong Duterte o naisip lamang ito kamakailan lamang ng ilan sa magagaling na opisyal ni Duterte.

Kaya tila lumalabas na baka mas mura pa ang gastusin kung tayo ang mag-explore na lang ng bagong mapagkukunan ng natural gas. Ayon sa mga eksperto, ang lugar sa paligid ng Malampaya ay may ma-laking posibilidad na may natural gas din. Kung tama ito, eh di “win-win situation” ang mangyayari. May sarili na tayong pagkukuhanan, may posibilidad pa na tayo ay makapag-export sa mga karatig bansa gaya ng Taiwan, Japan, Korea, kung kailangan nila ng natural gas. Malamang ay inaangkat din nila ito mula sa mas malalayong bansa.

Isip-isip muna at huwag tayong padalos-dalos sa pagdedesisyon dahil hindi pa rin naman ganu’n kaganda ang takbo ng ating ekonomiya kumpara sa mga ibang kapitbahay na bansa sa Asya. Masyadong malaki ang nakasalalay rito – ang kaunlaran ng ating bansa.

Comments are closed.