KAILANGAN BA TALAGA NATIN NG BAGONG SALAPI?

magkape muna tayo ulit

KAMAKAILAN ay ipinakilala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang makabagong salapi. Ang nasabing salapi ay may ibang disenyo at gamit ang modernong ‘polymer paper’. Ito ay isang uri ng papel na may halong plastic. Mas matibay raw ito at mahirap ma-peke o counterfeit ng masasamang-loob.

Iniharap ito ng BSP kay Pangulong Bongbong Marcos bilang “The First Philippine Polymer Banknote Series” sa ating bansa. Makulay at tampok ang iba’t ibang hayop at halaman na katutubo sa Pilipinas.

Dagdag pa ng BSP na plano nilang maglabas ng 70 million hanggang 90 million na piraso ng nasabing polymer bills kada denominasyon.

Ayon sa BSP, sisimulang ikalat ang nasabing bagong salapi ngayong taon. Ang bersyon na polymer na may halagang P1,000 ay nakikita na natin ngayon. Inilabas ito noong Abril 2022 pa.

Subalit ang tanong ng nakararami ay kailangan ba talaga ito? Magkano ang ginugol na pondo ng bayan para rito? Matatandaan na naging sentro ng kontrobersiya ang BSP matapos maglabas ng mga bagong serye ng barya na marami sa atin ay nalilito sa halaga nito hanggang ngayon!

Ang sukat ng isang piso sa limang piso ay halos parehas. Pati ang mga maliliit na halagang barya ay napakaliit na tila binabalewala na ng mga mamamayan.

Ang mga lumang barya ay tinanggalan ng halaga o na- demonetize kaya kailangang ibalik ulit sa BSP.

Marami ang nagtatanong kung bakit naging prayoridad ng BSP na magpalit ng disenyo ng ating mga salapi. Maiintindihan ang pagpalit ng serye ng ating salapi pagkatapos ng 1986 EDSA Revolution. Ang disenyo kasi ng mga papel na salapi natin ay may nakalagay na “Ang Bagong Lipunan” ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Subalit ilang dekada lamang ang nakaraan ay tila palagi tayong nagpapalit o nagdadagdag ng salapi.

Tingnan ninyo sa ibang bansa. Ang US$ ay hindi nagbabago. Pati ang mga barya nila ay ginagamit pa simula noong 1934. Hindi pinapalitan subalit dinadagdagan.

Ang pagpapalit o pagdagdag ng salapi ay maingat na sinusukat batay sa kondisyon ng ekonomiya ng bansa o sa tinatawag na inflation ng halaga ng salapi.

Kaya naman nagtataka ang iba kung bakit malimit ang pagpalit ng salapi sa ating bansa. Nagtungo ako kamakailan sa Australia. Nakahawak pa rin ako ng mga lumang barya nila. Samantalang sa atin ay malimit ang pagpalit ng barya. Ngayon naman ay ang papel na salapi natin.

May mga ilang grupo na kinukuwestiyon ang pagtanggal ng mga ba­yani sa ating salapi. Para bang mas mahalaga pa raw ang mga hayop at halaman sa ginawang sakripisyo, pagbuwis ng buhay at pagmamahal ng ating mga bayani sa ating bayan. Hmmmm. May punto sila.

Kung ang pag-uusapan naman ay ang tibay ng papel ng salapi, may mga lumang salapi na nasa sirkulasyon pa rin matapos ng ilang dekada. Puwedeng magdagdag at ibalik ang mga lumang salapi sa pamamagitan ng ating mga commercial banks. Matagal nang gawain ito.

Kung sa paggawa ng pekeng pera, aba’y ang solusyon diyan ay paigtingin ang pagbaban­tay ng ating mga law enforcers imbes ng gumastos nang malaki sa panibagong uri ng salapi. Magkano kaya ang ginastos ng BSP sa disenyo at kontrata sa polymer bills? Nagtatanong lang po.